Home NATIONWIDE Sirit-bayad sa basura, dinepensahan ng Manila LGU

Sirit-bayad sa basura, dinepensahan ng Manila LGU

269
0

MANILA, Philippines – NAGBIGAY ng paliwanag ang lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila hinggil sa ipatutupad nilang pagtaas ng bayarin sa pangongolekta ng basura sa mga establisyemento gayundin sa isasagawang pagtatasa sa mga ari-arian sa kabisera ng bansa.

Batay sa nilagdaang Ordinance No. 9151 ni Mayor Isko Moreno Domagoso noong Disyembre 12, 2025, kinakailangan ng baguhin ang paniningil sa kinokolektang basura sa mga establisimiento dahil higit isang dekada na ang nakaraan o noon pang 2013 hindi napapalitan ang bayarin gayung hindi na ito tumutugma sa kasalukuyang dami ng mga basurang nakokolekta na malayo na sa bayad sa serbisyo.

Sa kabila nito, binigyang linaw naman ni City Treasure Atty. Paul Vega na hindi kabilang ang mga kabahayan sa sinisingil na garbage fee ng lokal na pamahalaan at tanging mga commercial at sektor ng industriya ang sakop ng ipinasang ordinansa ng Sangguniang Panlungsod na pinangunahan ni Manila Vice Mayor Chi Atienza.

Kaugnay nito, sinabi naman ni City Legal Officer Atty. Luch Gempis, Jr. na noon pa man ay inabisuhan na sila ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na idiretso na sa New San Mateo Sanitary Landfill sa Rizal ang nakokolektang basura sa Maynila na nagresulta sa mas mataas na gastusin sa hauling at transportasyon.

Binigyang linaw din ni Gempis na ang pagtataas ng real property valuation at assessment schedules ay nakabatay sa R.A. 12001 na isang national law na nag-aatas sa mga lokal na pamahalaan na mag-update ng market value ng ari-arian tuwing ikatlong taon upang tumugma sa kasalukuyang market conditions at pamantayang pagpapahalaga sa mga ahensiya ng pambansang pamahalaan.

Binigyang diin ni Gempis na mula pa noong 2013, paulit-ulit ng pinapaalalahanan ng Bureau of Local Government Finance ng Department of Finance sa Pamahalaang Lungsod na tupdin ang panuntunan lalu na’t isa ito sa kinakailangan upang mapagkalooban ang Maynila ng Seal of Good Local Governance.

Nabatid naman na upang mapagaan ang epekto nito sa mga nagmamay-ari ng lupa sa Maynila, gagawing dalawang yugto ang pagtataas ng bayarin, bukod pa sa umiiral na amnesty program at diskuwento sa mga magbabayad ng maaga ng kanilang amilyar. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here