Home NATIONWIDE Sistema kontra pang-aabuso ng mga Pulis, rerepasuhin ng PNP

Sistema kontra pang-aabuso ng mga Pulis, rerepasuhin ng PNP

1
0

MANILA, Philippines – Iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang agarang pagrerepaso sa sistema ng maagang pagtukoy sa mga babala at pagdidisiplina sa hanay ng pulisya kasunod ng dalawang reklamong may kaugnayan sa umano’y pang-aabuso ng mga pulis sa kanilang kinakasama.

Inatasan ni Nartatez ang mga kinauukulang yunit na palakasin ang mga mekanismo para matukoy at matugunan ang mga senyales ng pang-aabuso. Binigyang-diin niyang dapat managot sa batas ang sinumang pulis na mapatunayang nagkasala ng karahasan laban sa kababaihan.

“We will not tolerate any form of violence against women, especially when the alleged perpetrator is a member of the police service sworn to protect the people,” ani Nartatez.

Noong Oktubre 27, naghain ng reklamong administratibo sa National Police Commission (Napolcom) ang isang guro mula Mindanao laban sa kanyang live-in partner na isang police corporal. Inakusahan niya ang lalaki ng paulit-ulit na pang-aabuso sa loob ng halos siyam na taon.

Noong Oktubre 22 naman, naghain din ng reklamong administratibo ang isa pang babae laban sa kanyang kinakasama na police staff sergeant dahil sa umano’y pisikal, emosyonal at mental na pang-aabuso.

“We will ensure that the allegations are properly investigated and that any personnel found liable will face the appropriate sanctions under the law,” ayon kay Nartatez.

Inatasan din niya ang mga kinauukulang yunit ng PNP na makipag-ugnayan nang mahigpit sa Napolcom at magbigay ng kinakailangang suporta sa mga nagpapatuloy na proseso.

“Discipline must begin within our own ranks and preventing abuse requires more than policies on paper. We must strengthen early reporting, intervention, and accountability mechanisms to ensure that warning signs are addressed before they lead to further harm,” dagdag niya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here