MANILA, Philippines- Direktang iniugnay ni Comelec Chairman George Garcia ang Smartmatic na nagpopondo at gumagawa umano ng mga pekeng dokumento para palabasing mayroon siyang foreign bank accounts.
Sa press conference, ipinakita ni Garcia ang kaugnayan ng Smartmatic sa mga nakuha nilang dokumento kabilang ang pagbubukas ng mga foreign bank account na nanggagaling sa iisang address sa Miami, Florida.
Iginiit ni Garcia na hindi pa niya natatapakan maski kanyang daliri ang mga bansang binanggit sa papeles tulad ng Hongkong, Singapore, China at Amerika.
Ayon kay Garcia, isang Jose Herrera Paez ang nagbigay umano ng naturang mga dokumento sa mga politiko dito sa Pilipinas.
Napag-alaman na si Paez ay isang abogado ng Jaleo Consultancy Firm at Director ng Smartmatic.
Ang Smartmatic ang dating technology provider ng Comelec sa mga nagdaang automated election pero nadiskwalipika sa nakaraang bidding dahil sa mga alegasyon ng dayaan noong nakaraang election.
Ayon kay Garcia, nakakuha ito ng lahat ng certification mula sa mga bangko na ang mga naturang mga account ay pawang mga peke at walang George Garcia na bank account numbers.
Sinabi ni Garcia na sobrang taas ng morale ng Commission on Election sa kabila ng mga akusasayon na ibinabato laban sa kanila.
“Sobrang taas po ng morale, in fact pinipigilan ko na nga po yung iba dahil gusto mag-file ng kaso , subalit sabi ko sa kanila mangolekta muna tayo ng dokumento at hintayin naman natin ang NBI (National Bureau of Investigation), napakataas ng karangalan at integridad ng NBI saka Anti-Money laundering Council,” pahayag ni Garcia.
Sa suporta aniya ng lahat ng regional directors, provincial election supervisors at mga unyon/empleyado ng Comelec ay iisa lamang ang kanyang naging kautusan– ang magtrabaho at pabayaan na lamang siya sa kaso.
Aminado si Garcia na may takot sa kanila na posible silang balikan dahil malaking tao ang kanilang binabangga.
“Sa akin naman, bakit kapa nasa posisyon kung hindi ka naman magsasabi ng totoo—kung hindi ako magsasalita, magsa-suffer hindi lamang yung pangalan ko kundi yung buong institusyon,” giit ni Garcia.
Ayon pa sa Comelec chief, handa naman ang komisyon sa nakatakdang budget hearing ngunit umaasa na malilimitahan lamang sa budget dahil ito aniya ay ibang bagay na usapin o isyu upang maipagtanggol naman nila ang tamang budget para sa Comelec.
Idinagdag ni Garcia na kailangan ng komisyon ang pondo na idedepensa ng komiyson sapagkat ito ay gagamitin para sa 2025.
Ayon kay Garcia, ipinaglaban ng komisyon na madagdagan ng honorariaa ng lahat ng guro sa buong Pilipinas kaya naman umaasa siyang huwag mapolitika ang pagdaragdag ng P2,000 across the board na bayad para sa mga guro na maglilingkod sa araw ng halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden