MANILA, Philippines – Tinitignan ng Commission on Elections (Comelec) ang Statements of Contributions and Expenditures (SOCEs) ng mga kandidato upang suriin kung tama ang kanilang mga deklarasyon sa kanilang campaign contributions.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, ang pagsusuri ay hindi lamang nakatuon sa isang kandidato kundi sa lahat ng lumahok sa botohan.
Sinabi rin ni Garcia na tinitingnan din nila ang posibilidad na magtanong sa mga kandidato tungkol sa kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ayon pa kay Garcia, pinag-aaralan ng Comelec kung magre-request sa ahensya kung saan kabilang ang isang personalidad o sa Office of the Ombudsman.
“Pinag-aaralan namin kung paano mag-request. Sa ahensya ba kung saan kabilang ang personalidad o sa Office of the Ombudsman?” sabi niya.
Ayon sa Comelec, ang election offense, perjury, at falsification ng mga pampublikong dokumento ay ang posibleng parusa sa maling pagdedeklara sa SOCE.
Dagdag pa niya, ang layunin ng Comelec ay hindi tanggalin ang mga kandidato sa halalan sa pamamagitan ng mga kasong kriminal. Ang pagtanggal ay nakasalalay sa mga ahensya o departamentong kinabibilangan nila. Jocelyn Tabangcura-Domenden