Home NATIONWIDE Socia media regulation, franchise inihihirit ng solon

Socia media regulation, franchise inihihirit ng solon

1
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ni Manila 3rd district Representative Joel Chua ang mahigpit na regulasyon sa social media platforms at posibleng pag-oobliga sa mga ito na makakuha ng prangkisa para sa kanilang operasyon.

“Dapat yung pag-aralan na at i-regulate na rin yan. Ito actually concerted effort ito ng gobyerno at saka ng private sector, lalong-lalong na yung mga kabataan, yung mga magulang, ang eskwelahan, malaki ang magiging papel ng bawat isa,” ani Chua.

Nang tanungin kung ito na ang panahon para obligahin ang mga social media platform na kumuha ng prangkisa katulad ng mainstream media, tugon ni Chua:

“Panahon na. Dahil kung wala, nakikita natin… Dahil ito, hindi ang usapin dito, hindi lamang yung sa gobyerno. Ang usapin na rin dito, yung moralidad na naidudulot nito sa mga kabataan.”

Nilinaw niyan na “Hindi naman natin isu-suppress yung social media. Ang isu-suppress natin, yung laman.”

Itinuturo ni Chua ang pagkakadawit ng mga menor de edad sa mga karahasan ay dahil sa pagguho ng moral values.

“Dahil lahat naman itong mga values na ito, natututunan ito simula pagkabata. Pero kung ang nakikita natin mismo, yung mga matatanda, mga magulang natin, ang mga iniidolo, yung mga barumbado, mga wala na sa ayos, malala ang magiging problema natin. Dahil yung inaasahan natin na magturo sa mga anak natin, eh sila mismo ay mukhang hindi na rin nila alam kung ano ang tamang asal,” paliwanag pa ng mambabatas.

Sa kabila naman ng mga panawagan na pababain ang edad ng criminal responsibility kasunod ng mga shooting incident at stabbing incident sangkot ang mga estudyante, tutol dito si Chua.

“Sa akin po kasi, wala ‘tong kinalaman sa edad. Sa akin po, ang nagiging problema na po natin dito is yung ating moral values, yung ating moral compass,” dagdag pa niya.

Dahil dito ay nanawagan si Chua sa mga opisyal ng pamahalaan na maghinay-hinay sa mga aksyon at pahayag.

“Bilang mga leader, dapat medyo naghihinay-hinay rin kami. Dahil yung mga ganitong binibitawan naming pananalita, yung mga pagbabanta namin, yung mga nanonood dito, yung mga kabataan. So baka mamaya, ang akala ng mga kabataan ay tama at normal ang magmura, ang pumatay, ang magbanta,” ani Chua. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here