PANGASINAN, Philippines – Arestado ang isang 29-anyos na social media influencer sa Barangay Minien West, Santa Barbara, Pangasinan noong Biyernes, Enero 30, at nakumpiska ang marijuana na nagkakahalaga ng P300,000.
Ayon kay PDEA Ilocos Director Benjamin Gaspi, narekober sa bahay ng suspek ang 100 gramo ng marijuana kush, 28 gramo ng marijuana vape, at drug paraphernalia.
Ani Gaspi, ipinapakita ng kaso ang pagpupursige ng PDEA laban sa high-value targets, anuman ang katayuan sa lipunan, upang protektahan ang komunidad at kabataan.
Ngayon, nakadetention ang suspek sa PDEA Pangasinan Provincial Office sa Urdaneta City at haharap sa kasong possession of dangerous drugs at drug paraphernalia ayon sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). RNT/MND