Home NATIONWIDE Socio-economic programs sa MILF camps, isinusulong ng OSAP

Socio-economic programs sa MILF camps, isinusulong ng OSAP

164
0

MANILA— Mas pinalakas ng Office of the Special Assistant to the President (OSAP) ang koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan upang suportahan ang mga programang socio-economic sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa ilalim ng normalization program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Layunin ng inisyatiba na paigtingin ang ugnayan ng mga ahensya ng gobyerno na nagpapatupad ng mga programa sa ilalim ng normalization process.

Noong Marso 5, pinangunahan ni Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo ang isang coordination meeting kasama ang mga pangunahing ahensya upang suriin ang kalagayan ng mga socio-economic initiative sa ilalim ng normalization program, partikular ang Camps Transformation Plan na naglalayong mapabuti ang kalagayan ng pamumuhay sa mga komunidad na matatagpuan sa dating kinikilalang mga kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Dumalo sa pulong ang mga kinatawan mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Agriculture (DA), at Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) upang ihanay ang mga datos at tukuyin ang mga natitirang deliverables sa socio-economic component ng programa.

Tinalakay ng mga opisyal ang pagbeberipika ng mga isinumiteng proyekto at nilinaw ang saklaw, mga target, at mga kakulangan sa datos upang matukoy ang mga kinakailangang hakbang mula sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan na kasangkot sa inisyatiba.

Ayon sa OSAP, pangunahing layunin ng hakbang na ito na makabuo ng baseline data ng lahat ng naipagkaloob ng socio-economic intervention at ng mga proyektong nakabinbin pa sa ilalim ng normalization program.

Makatutulong ang baseline na ito upang masuri ng pamahalaan ang mga nakamit na at ang mga target na kailangang matupad mula 2026 hanggang 2028.

Bahagi ang Camps Transformation Plan ng mas malawak na socio-economic support para sa mga dating combatant at kanilang mga komunidad.

Bukod sa pagbibigay ng tulong sa mga indibidwal na decommissioned fighters at kanilang mga pamilya, nakatuon din ang programa sa mga proyektong pang-imprastraktura at kaunlaran sa loob ng anim na dating kinikilalang kampo ng MILF.

Batay sa datos ng pamahalaan, humigit-kumulang 26,145 na decommissioned combatants ang kasalukuyang saklaw ng normalization program.

Iba’t ibang anyo ng tulong ang ibinibigay ng mga ahensya, kabilang ang pagpapaunlad ng imprastraktura, suporta sa edukasyon, at mga oportunidad sa kabuhayan.

Kabilang sa mga dumalo sa coordination meeting sina DPWH Secretary Vince Dizon, DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., OPAPRU Senior Undersecretary Isidro L. Purisima, Presidential Assistant for Bangsamoro Transformation David B. Diciano, ICCMN Secretariat Co-Head Wendell P. Orbeso, Joint Normalization Committee Chair Ariel C. Hernandez, Joint Task Force on Camps Transformation Co-Chair Baintan Ampatuan, DA spokesperson Joshua Emmanuel De Leon, Joint Task Force on Camps Transformation Co-Chair Danilo G. Pamonag, at Task Force for Decommissioned Combatants and their Communities Chair Laisa M. Alamia.

Binigyang-diin ng OSAP na mahalaga ang mas matibay na koordinasyon ng mga ahensya upang matiyak ang napapanahong pagkompleto ng mga proyektong ito lalo na’t target ng pambansang pamahalaan ang mas malawak na implementasyon ng mga pangako sa ilalim ng peace agreement sa mga susunod na taon.

Layunin ng administrasyong Marcos na mapanatili ang progreso sa normalization track at maabot ang paglagda sa Exit Agreement kasama ang MILF pagsapit ng 2028, isang hakbang na magmamarka sa pagkumpleto ng peace process at sa pangmatagalang pag-unlad ng mga komunidad na dating apektado ng sigalot sa Bangsamoro region. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here