MANILA, Philippines – Dumipensa ang Commission on Elections (Comelec) sa desisyon nito na i-regulate ang mga social media account ng mga kandidato para sa 2025 election sa gitna ng alegasyon na ito ay unconstitutional.
Sa ilalim ng Comelec guidelines, ang mga individual aspirants, party-list groups, political parties, at maging ang kanilang campaign staff ay kailangang irehistro ang kanilang social media accounts sa Education and Information Department ng poll body.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang hakbang ay para sa Fair Elections Act.
Ang kanyang pahayag ay kasunod ng mga pahayag na nilalabag nito ang ‘freedom.of expression’ ng mga kandidato.
Ayon kay Garcia, makakatulong ito sa Comelec na subaybayan ang online spending ng mga kandidato.
Ayon kay Garcia, ang panuntunan ay lalong mahalaga bilang isang paraan upang labanan ang pagkalat ng fake news, na pinalala ng artificial intelligence, sa panahon ng kampanya.
Inaatasan din ng komisyon ang mga kandidato at partido na ibunyag ang anumang paggamit ng teknolohiya ng artificial intelligence sa kanilang mga ad at materyales sa kampanya.
Sinabi ni Garcia na ang pol body ay makikipag-ugnayan sa social media platforms tulad ng Facebook, Google, at X. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)