MANILA, Philippines – Walang Filipino na nasaktan sa dalawang air strike ng Israeli army sa Beirut noong Okt. 10 na itinuturing din na pinakapeligrong laban sa pagitan ng Israel at Hezbollah na nagresulta ng 22 pagkasawi at 117 sugatan.
Ito ang kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) secretary Hans Leo Cacdac nitong Sabado.
Sinabi ni Cacdac na karamihan sa 11,000 Filipino sa Lebanon at nakatira at nagtatrabaho sa capital city.
Sa kasalukuyan, nasa 570 ang nagpahayag ng kagustohan na boluntaryong lisanin ang Lebanon , 221 sa kanila ay mayroon nang flights mula Okt 12 hanggang 28.
Noong Sabado , siyam na Filipino ang dumating mula Lebanon sa ilalim ng repatriation program ng gobyerno.
Ang mga exit paper ng natitirang 350 ay pinoproseso na ng Philippine Embassy.
Sinabi ni Cacdac na hindi bababa sa 178 Pilipino ang namamalagi sa mga shelter at hotel sa buong Lebanon.
Samantala, ang huling batch na nakatanggap ng agarang tulong pinansyal na P75,000 bawat isa mula DMW AKSYON (Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan) Fund at P75,000 mula Overseas Workers Welfare Administration.
Ang Department of Social Welfare and Development ay nagbigay din ng livelihood assistance na nagkakahalaga ng P20,000 habang ang Technical Education and Skills Development Authority ay namahagi ng skills training voucher.
Ang repatriation ay nagdala sa 442 kabuuang Lebanon repatriates, kasama ang 28 dependents, mula noong Oktubre 2023.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)