Home NATIONWIDE SoKor drug trafficker arestado sa Clark airport

SoKor drug trafficker arestado sa Clark airport

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national sa Clark International Airport (CIA) sa Pampanga na wanted ng mga awtoridad sa kanilang bansa dahil sa drug trafficking.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang pasahero na si Choi Minjae, 33, na naharang noong Hunyo 17 bago siya makasakay ng Jeju Air flight papuntang Incheon sa Seoul, South Korea.

Ayon kay Tansingco, si Choi ay nasa wanted list ng BI simula noong Pebrero nitong taon nang ipag-utos siyang i-deport ng bureau dahil sa pagiging undesirable alien.

Nabatid na hinarang ang nasabing dayuhan matapos makita ng BI officer na nagproseso sa kanya na ang pangalan nito ay positive hit sa derogatory check system ng BI na nagpapahiwatig na siya ay na-blacklist bilang resulta ng deportation order laban sa kanya.

Napag-alaman din na siya ay napapailalim sa isang Interpol red notice na inilabas noong Pebrero 2 na nag-ugat sa pagsasampa ng kasong narcotics laban sa kanya.

Ang isang warrant of arrest ay iniulat na inisyu ng Ulsan district court sa southeastern Korea kung saan siya ay kinasuhan ng paglabag sa narcotics control act ng kanyang bansa.

Ayon sa mga awtoridad, sa pagitan ng Abril 2022 hanggang Hunyo 2023, si Choi at isang kasabwat nito ay nagbenta sa Internet ng mahigit US$3.27 milyon na halaga ng mga droga, kabilang ang synthetic na marijuana at LSD, na ang mga benta ay natransaksyon nang 539 beses sa pamamagitan ng messaging app na Telegram.

Si Choi ay nasa kustodiya ng BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, kung saan siya ay mananatili habang naghihintay ng deportasyon. Jay Reyes