Home HOME BANNER STORY SolGen iaapela SC ruling na nagpawalang-bisa sa 2024, 2025 budgets

SolGen iaapela SC ruling na nagpawalang-bisa sa 2024, 2025 budgets

1
0
Supreme Court

MANILA, Philippines – Inatasan na ng Malacañang ang Office of the Solicitor General (OSG) na maghain ng motion for reconsideration sa Supreme Court (SC) kaugnay ng desisyon nitong nagtakda ng mas mahigpit na limitasyon sa paggamit ng unprogrammed appropriations (UA).

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nitong Miyerkules na bagama’t iginagalang ng administrasyon ang desisyon ng Mataas na Hukuman, hindi ito sang-ayon sa ilang bahagi ng ruling.

“Magalang nating hinihiling sa Korte Suprema na muling suriin ang kanilang desisyon. Ipinag-utos na rin po sa Office of the Solicitor General na magsampa po ng motion for reconsideration,” ani Castro.

Binigyang-diin ng Malacañang na hindi idineklara ng SC na likas na labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations.

“Malinaw ang pasya ng Korte Suprema. Ang unprogrammed appropriations ay hindi likas na labag sa Konstitusyon. Hindi ito dineklara ng Korte Suprema na unconstitutional,” ani Castro.

Ayon sa Palasyo, nananatiling lehitimong mekanismo sa pagpopondo ng pamahalaan ang UA basta’t naaayon ang paggamit nito sa Konstitusyon, umiiral na batas at mga kinakailangang safeguards.

Gayunman, kinuwestiyon ng Malacañang ang kondisyong inilatag ng SC na kailangan munang lumampas ang kabuuang koleksiyon ng gobyerno sa kabuuang revenue target bago maaaring pondohan ang unprogrammed appropriations.

Para sa Palasyo, mas mahigpit ang naturang requirement kumpara sa dating mekanismong pinahihintulutan ng Kongreso.

“Sa ating pananaw, pinanatili nito ang mekanismo sa papel ngunit ang pagtatakda ng kondisyong lagpas sa mga kondisyong inilatag ng Kongreso simula 2015 ay hindi lang magpapahirap nang husto sa paggamit nito. Ginawa nitong inutil at hindi na magagamit ang mekanismong ito para sa mga programa ng pamahalaan,” ani Castro.

Ayon pa sa Palace official, simula noong 2015 ay pinapayagan ng Kongreso ang pagpapalabas ng unprogrammed funds kapag lumampas sa target ang koleksiyon mula sa kahit isang tinukoy na non-tax revenue source, alinsunod sa iba pang kondisyon ng General Appropriations Act.

Iginiit ng Malacañang na sinunod lamang ng administrasyong Marcos ang mekanismong itinakda ng Kongreso at wala umano itong nilabag na batas o probisyon ng Konstitusyon.

Sa desisyon ng SC, idineklarang unconstitutional ang 2024 GAA dahil sa ₱449.5-bilyong dagdag ng Kongreso sa unprogrammed appropriations, habang pinawalang-bisa rin ang 2025 GAA kaugnay ng ₱17.99-bilyong dagdag para sa Special Road Fund.

Para naman sa 2026 budget, idineklara ng Korte na unconstitutional ang Special Provisions 1(a) at 1(b) sa Chapter XLIII na may kaugnayan sa paggamit ng unprogrammed appropriations.

Kasabay nito, nilinaw ng SC na hindi unconstitutional per se ang UA ngunit kailangan itong sumailalim sa malinaw na limitasyon at safeguards upang mapanatili ang fiscal discipline, transparency at accountability. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here