Home NATIONWIDE Solon sa mga ka-alyado ng mga Duterte: ‘Wag magpanggap na oposisyon

Solon sa mga ka-alyado ng mga Duterte: ‘Wag magpanggap na oposisyon

161
0

MANILA, Philippines – Pagpapanggap lamang para mapanatili ang kapangyarihan, ang hiling ni Vice President Sara Duterte sa kapatid na si Davao City lawmaker Paolo “Pulong” Duterte na top opposition post sa Kamara, ayon kay Kabataan Partylist representative-elect Renee Co nitong Miyerkules, Mayo 21.

Matatadaan na nitong weekend ay sinabi ni Duterte na dapat kunin ng kanyang kapatid ang speakership o kaya naman ay ang House Minority Leader position.

“Fantasy ‘yan sila. Threatened ang mga Duterte na mawalan ng kapit sa poder kung tuluyang matanggal sa pwesto si Sara at ma-convict si Digong, kaya biglang pepwesto si Pulong,” ani Co.

“Huwag silang magpanggap na oposisyon. Kailangan na talaga magpasa ng Anti-Political Dynasty Bill para hindi na nilalaro ng mga pami-pamilya ang mga posisyon sa gobyerno. Hindi dapat chessboard ng mga pamilyang Marcos at Duterte ang Kongreso,” dagdag pa ng solon.

Wala pang tugon si Congressman Duterte sa naturang pahayag.

Sa hiwalay na press conference, sinabi naman ni Senador Risa Hontiveros na hindi siya lalahok sa opposition bloc na binubuo ng mga ka-alyado ni dating Pangulong Duterte sa 20th Congress.

“Well, wala po akong planong sumali sa isang Duterte bloc. Kung makukuha nila ‘yung label ng minority, may option pa rin po ako or kami, kung mag-decision po kami, na [maging] isang independent bloc na magpapatuloy talaga sa pag-check and balance, magpapatuloy sa pag-fiscalize, at pati sa labas ng Senado. Magpapatuloy sa pagbubuo ng oposisyon [sa mga] Duterte at sa kina Presidente [Marcos],” ani Hontiveros.

Sa pagbabalik nina Francis “Kiko” Pangilinan at Bam Aquino ay magkakaroon na ng dalawang ka-alyado sa Senado si Hontiveros. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here