MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III noong Biyernes, Enero 30, na handa siyang suportahan ang Charter change kung may panukalang ihaharap sa Senado, bunsod ng mga alalahanin sa naging desisyon ng Supreme Court (SC) na ibinasura ang impeachment articles ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam, iginiit ni Sotto na ang naturang desisyon ay maituturing na judicial legislation dahil umano’y binago ng SC ang constitutional mode ng impeachment sa halip na sundin ang prosesong nakasaad sa Saligang Batas. Aniya, hindi rin itinama ng Korte ang mga tinawag niyang factual errors sa desisyon.
Itinuro ni Sotto ang pahayag ng SC na na-archive ng Senado ang impeachment case noong Pebrero 5, gayong aniya ay Hunyo pa ito na-archive matapos ang sine die adjournment ng Kongreso noong nakaraang taon.
Nang tanungin kung hindi ba pamilyar ang mga mahistrado sa proseso ng Senado, sinabi ni Sotto, “I don’t think I can answer that question. My thinking would be, they have a different agenda. It’s not a different thinking or what. Ibang tumbok nila, iba ang focus nila siguro.”
Dagdag niya, maaaring hindi napansin o hindi tinutukan ng mga mahistrado ang mga isyung ito, at posibleng iba ang paraan ng pagdedesisyon ng korte kumpara sa Kongreso. “Apparently, they did not directly correct in this decision some of the errors or the factual errors in the past decision. Parang hindi nila binanggit dito o hindi nila cinorrect,” ani Sotto.
“So it stands, therefore yung mga factual errors na yun. And then parang nilang binago yung mode ng pag-impeach. Mas mahirap, mas humihirap na ngayon,” dagdag pa niya.
Ayon kay Sotto, ang impeachment ay inilagay sa Konstitusyon upang mabilis na matanggal sa puwesto ang mga opisyal na pumapalya sa tungkulin o gumagawa ng mali, at hindi dapat manatili nang matagal sa kapangyarihan. Subalit dahil sa desisyon ng SC, mas lalo umanong pinahirap ang proseso.
“Forgive me, but I think impeachment now is an impossible dream,” wika niya.
Sinabi ni Sotto na maaaring pag-usapan muna ng Kongreso at Kamara ang isyu, ngunit para sa kanya, ang tanging tunay na solusyon ay amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly. Binalaan niya na kung walang aksyon, maaaring maghintay pa ng ilang dekada hanggang sa magretiro ang kasalukuyang mga mahistrado bago magbago ang legal na pananaw.
Nagpahayag din siya ng pagkabahala sa unanimous ruling ng SC dahil walang dissenting o separate opinions. Bagama’t dati niyang tinutulan ang Constitutional Convention at Constituent Assembly, sinabi ni Sotto na handa na siyang suportahan ang pagbabago ng Konstitusyon sa kasalukuyang sitwasyon. Nilinaw niyang hindi siya ang magtutulak nito, ngunit susuporta siya kung may panukala.
“Sapagkat kung ang Supreme Court pwedeng galawin ang Constitution, aba’y dapat galawin na namin. Sapat kami ang empowered to do so. Yun ang punto ko,” ani Sotto. “Ang legislation ay sa Congress, hindi sa Supreme Court. Gusto natin baguhin ang Constitution, let’s use a Constitutional Convention or a Constituent Assembly, hindi a Supreme Court decision,” dagdag pa niya.
Nilinaw ni Sotto na ang kanyang mga pahayag ay hindi nakatuon sa sinumang personalidad at walang kaugnayan kung ito man ay impeachment ni Pangulong Marcos o ni Vice President Sara Duterte. RNT/MND