Home NATIONWIDE Sotto, Escudero nangangalap na ng boto – Tulfo

Sotto, Escudero nangangalap na ng boto – Tulfo

MANILA, Philippines – Ibinunyag ni incoming Senator Erwin Tulfo na kinausap siya nina Senate President Chiz Escudero at Senator-elect Tito Sotto kaugnay ng pagkapangulo sa Senado bago ang pagbubukas ng ika-20 Kongreso.

Ayon kay Tulfo, si Sotto ang unang nagbukas ng usapan kahit noong kampanya pa. “Sabi niya, ‘Pare, alam mo na kung saang grupo ka… usap tayo,’” aniya. Tugon ni Tulfo, kailangang pag-usapan muna niya ito kasama ang kapatid niyang si Senador Raffy Tulfo.

Makalipas ang isang linggo, si Escudero naman ang tumawag sa kanya. Akala raw niya’y tungkol sa impeachment ang usapan pero napag-alamang tungkol din ito sa liderato ng Senado. “Sige boss, pag-iisipan ko muna,” ani Tulfo.

Nilinaw niyang wala pa siyang pinipiling susuportahan.

“Wala pa akong napipili,” aniya, at idiniin na batay sa performance at hindi sa personal na ugnayan ang magiging desisyon. “Hindi dahil kaibigan mo, dapat tingnan din sa performance,” dagdag niya.

Pinuri rin niya ang karanasan ng dalawang contender. “Nakita ko si Sen. Sotto bilang dating Senate President, at si Sen. Chiz, mula pa noong nasa Kongreso ako,” sabi niya.

Hindi na raw niya nakausap muli sina Sotto at Escudero dahil sa impeachment issue. Itinanggi rin niyang nakatanggap siya ng tawag mula kay Senadora Imee Marcos. “Wala, hindi ako tinawagan ni Sen. Imee. May number naman ako niya,” aniya.

Plano ni Tulfo na magdesisyon sa unang linggo ng Hulyo. “Siguro sa July. First week. Text n’yo ako ulit,” ani Tulfo. RNT