MANILA, Philippines – Tinuligsa ni Ombudsman Samuel Martires ang Kamara matapos nitong ipasa ang committee report ukol sa mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte, pero nilinaw naman ng tagapagsalita ng Kamara na wala silang isinampang reklamo sa Ombudsman.
“Eh bakit ba nila kami fu-furnish-an ng kopya ng result ng kanilang investigation? Ano ‘yun, gagawin naming ano, pardon the word, pero ano ‘yun, gagawin naming scratch paper? Ano ‘yon? We’re not even a part of that investigation of the House of Representatives kaya hindi kami dapat furnish-an ng kopya,” ani Martires, na nagsabing inaktohan nila ang committee report bilang pormal na reklamo, dahil ito ay mismong inendorso ng Secretary General ng Kamara at tinanggap na ng buong institusyon.
Giit ni House Spokesperson Princess Abante, bahagi lamang ng impeachment process ang report at hindi ito reklamo.
“Unang una, hindi ang House ang nag-file ng complaint. What the House initiated was the impeachment trial through the transmission of the Articles of Impeachment,” ani Abante sa isang press conference.
Pero ayon kay Martires, tila naguguluhan lang ang tagapagsalita dahil malinaw sa dokumento ang mga alegasyong isinampa laban kay VP Duterte at ilang opisyal ng OVP at DepEd.
“Siguro naguguluhan lang sila o naguguluhan lang ‘yung spokesperson. Ang nag-endorse sa amin ng committee report ng House Committee on Good Government and Public Accountability ay ang Secretary General mismo. At sinasabi ng Secretary General, sa kanyang sulat, na itong committee report ni Representative Joel Chua was adopted by the House of Representatives,” aniya pa.
Ginamit ni Martires ang mga kaso sa Senado bilang halimbawa, kung saan naging complainant ang mga namumunong senador sa mga imbestigasyon. “Kung walang complainant, sino ang magrereklamo? Kami? Hindi kami ang nag-imbestiga,” dagdag niya.
Kinumpirma ng Ombudsman na itutuloy nila ang imbestigasyon.
“Para saan pa’t binigyan kami ng report kung hindi namin ito iimbestigahan?” aniya.
Bibigyan ang Kamara ng sapat na panahon para sumagot sakaling magsumite ng counter-affidavit si Duterte at iba pang respondent. Kung hindi makikipagtulungan ang komite, posible silang maharap sa contempt.
Paliwanag ni Martires, hindi pa sila dumating sa puntong magdedesisyon ukol sa probable cause, ngunit may sapat na basehan sa report upang sagutin ito ng mga nasasangkot. Natanggap ng Office of the Vice President ang kautusan ng Ombudsman noong Hunyo 20, at may sampung araw itong maghain ng sagot. RNT