Home METRO 1 todas, 2 sugatan sa pamamaril ng lalaking binarat sa selpon

1 todas, 2 sugatan sa pamamaril ng lalaking binarat sa selpon

Oplus_0

Bulacan – Patay ang isang lalaking buyer ng cellphone habang sugatan ang kanyang dalawang kasama matapos pagbabarilin ng isang binatang katransaksyon sa bentahan sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang nasawi na si Emmanuel, 20 anyos, habang ang mga sugatan ay sina Martin, 48, binata, at Mario, 43, kapwa residente ng Upper Quarry, Brgy. Minuyan Proper.

Sa report ng SJDM Police Station, naganap ang insidente bandang 3:20 ng hapon nitong Hunyo 19 sa Upper Quarry, Brgy. Minuyan Proper.

Ayon sa ulat, nagkaroon ng transaksyon sa bentahan ng cellphone sa naturang lugar. Buyer si Martin, kasama sina Mario at Emmanuel, habang ang nagbebenta ay si alyas Noynoy, 21, ng Sapang Lamig, Brgy. Minuyan.

Nabatid na nang tawaran ng mga biktima ang ibinebentang cellphone, nainsulto umano si alyas Noynoy sa kanilang presyo kaya bumunot ito ng baril at walang abog-abog na pinagbabaril ang mga ito bago mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng main road.

Dead on the spot si Emmanuel matapos tamaan ng bala, habang isinugod naman ang dalawang kasamahan niyang sugatan sa Ospital ng Lungsod para sa paunang lunas.

Nang makarating sa pulisya ang insidente, agad silang nagsagawa ng follow-up/hot pursuit operation at kalaunan ay naaresto ang suspek sa kanyang bahay. Narekober sa kanya ang isang cal. 38 revolver na may tatlong bala.

Nahaharap ang suspek sa kasong Homicide at 2 counts ng Frustrated Homicide habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. (Dick Mirasol III)