Home NATIONWIDE PBBM walang panahon sa impeachment ni VP Sara

PBBM walang panahon sa impeachment ni VP Sara

MANILA, Philippines – Nakatutok si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayang Filipino at walang intensyon na makialam o makisawsaw sa kung paano hahawakan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa pinakabagong episode ng kanyang podcast na inere nitong Sabado, tinanong si Pangulong Marcos kung may “say” siya sa magiging desisyon sa impeachment case ni VP Sara.

“Siguro, if the President chooses to do that. I choose not to,” tugon ng Pangulo.

“I’m busy with the transport, with the rice, all of the different things that we are doing. Nauubos ang oras ko doon. Wala naman akong papel sa impeachment,” aniya pa.

Sinabi ng Pangulo na ang impeachment process ay nasa pagitan ng Kongreso at Senado.

Nauna rito, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na walang balak si Pangulong Marcos na gumawa ng hakbang para makialam sa impeachment case ni VP Sara.

Ang Pangulo, aniya, ay bukas sa dayalogo na nakatuon sa iba pang mahahalagang isyu sa bansa.

Samantala, hinikayat naman ni Castro ang Senado na ikonsidera ang potensyal na epekto ng pagkaantala ng impeachment trial ni VP Sara sa ekonomiya ng bansa.

Nauna rito, nanawagan ang mga miyembro ng Makati Business Club (MBC) sa mga senador na ituloy ang impeachment trial kay VP Sara.

Sa isang kalatas na inilabas ng MBC, nananawagan sila ng public accountability sa isyung kinahaharap ng ikalawang pangulo ng bansa.

Ayon pa sa MBC, kinakailangang manaig ang rule of law, at papaano anila dadami ang mga mamumuhunan sa bansa kung may ganitong uri ng lider na namumuno sa Pilipinas.

Sa huli, naniniwala ang Makati Business Club na mananaig ang katotohanan sa lahat ng mga akusasyon kay VP Sara batay sa mga ebidensyang iprinesenta sa impeachment court upang mabigyan ng linaw ang taumbayan. Kris Jose