Home NATIONWIDE PBBM ‘di papayag makamkam kahit katiting na teritoryo ng Pinas

PBBM ‘di papayag makamkam kahit katiting na teritoryo ng Pinas

MANILA, Philippines – Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy niyang poprotektahan ang teritoryo ng Pilipinas.

Sa katunayan, tiniyak nito na hindi niya papayagan ang anumang bansa na kamkamin ang kahit isang pulgada ng lupain ng bansa.

Sa pinakabagong episode ng kanyang podcast na inere nitong Sabado, muling pinagtibay ni Pangulong Marcos ang commitment ng kanyang administrasyon na igiit ang sovereign rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

“We did not yield. We continue to protect the sovereignty of the Republic. We continue to defend the territory of the Republic. And we continue to protect and defend the people of the Republic,” ani ng Pangulo.

“Ipaglalaban talaga namin iyan because kung ibigay mo iyan—like they say, you give them an inch, they take a mile. So, you cannot allow it, even the one inch,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ng Chief Executive na habang ayaw niyang magkaroon ng gulo sa mga dayuhang sumasalakay sa karagatan, hindi naman niya papayagang i-harass ang kapwa niyang Filipino, partikular na ang mga mangingisda.

“Hindi naman tayo nakikipag-away pero huwag ninyong binabangga ‘yung mga mangingisda, ‘di ba? Huwag ninyo kaming hinaharang sa teritoryo namin,” ayon kay Pangulong Marcos.

At para maprotektahan ang marine resources ng bansa, nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Nobyembre 8, 2024 ang Republic Act (RA) 12064, ang Philippine Maritime Zones Act, at RA 12065, ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act.

Inilalarawan sa RA 12064 ang mga maritime zones sa ilalim ng hurisdiksyon ng Pilipinas, kabilang ang internal waters, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zone, exclusive economic zone (EEZ), at continental shelf, upang magtatag ng legal na batayan sa pagsasagawa ng mga social, economic, commercial, at iba pang aktibidad sa mga nasasakupang lugar.

Samantala, tinukoy naman sa RA 12065 ang mga sea lanes at air routes na akma para sa tuloy-tuloy at mabilis na paglalayag ng mga dayuhang barko at aircraft sa pamamagitan ng archipelagic waters at kalapit na territorial sea, upang maiwasan ang arbitraryong international passage sa kapuluan ng Pilipinas. Kris Jose