MANILA, Philippines – Nakatakdang simulan ng Commission on Elections (Comelec) sa Lunes, Oktubre 14, ang pagsusuri sa mga local source code na gagamitin para sa automated election system (AES) sa May 2025 polls.
Sinabi ni Comelec spokesperson Atty.John Rex Laudiangco na ang pagsusuri—na tatakbo hanggang sa huling linggo ng Disyembre—ay kasama ang mga source code para sa Full Automation System with Transparency Audit/Count (FASTrAC) at Online Voting and Counting System (OVCS) para sa mga botante sa ibang bansa.
Nitong Biyernes, nagsagawa ng walkthrough sa venue ng local source code review (LSCR) kung saan 100 computer terminals ang naka-set up.
Bukod sa mga source code, nagdagdag din ang mga poll body provider ng review tool sa mga terminal para matulungan ang mga reviewer, na kinabibilangan ng mga IT expert at miyembro ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting at ng National Citizens’ Movement for Free Elections, bukod sa iba pa.
Ang mga tala at obserbasyon mula sa LSCR ay isusumite sa kinontratang international certifying body para sa sertipikasyon, ayon sa Comelec
Ang final trusted build ay idedeposito sa vault ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na maaari lamang ma-access kung utos ng korte.
“Ina-audit natin, diba? Sa paga-audit na ‘yan pwede natin ikumpara sa final trusted build para ipakita sa lahat na kung ano ang pinagkatapusan natin ‘yun ang ginamit at walang pagbabago sa sistema,” sabi ni Laudiangco.
Samantala, sinabi ni Laudiangco na maaaring tapusin ng Comelec ang hardware acceptance test (HAT) ng lahat na 110,000 ACM para sa Eleksyon 2025 bago matapos ang buwan ng Oktubre.
Sa huling datos mula sa Comelec, kabuuang 63,480 ACMs na ang dumating sa bansa hanggang nitong Oktubre 11.
Sinabi ng South Korean firm na Miru Systems Inc. na target nitong matapos ang delivery ng 110,000 ACMs sa Nobyembre. Jocelyn Tabangcura-Domenden