PAMPANGA, Philippines – Inaresto sa Angeles City, Pampanga ang isang South Korean na wanted sa kanilang bansa dahil sa umano’y pagkakasangkot sa multimillion-won “no-show” scam.
Nahuli ang suspek noong Hunyo 28 sa bisa ng Interpol Red Notice at arrest warrant na inilabas ng Busan District Court sa South Korea para sa kasong fraud.
Ayon kay CIDG-NCR chief PCol. John Guiagui, natunton ng mga awtoridad ang suspek matapos ipaalam ng South Korea na nagtatago ito sa Pilipinas.
Aniya, “Upon verification sa Bureau of Immigration, meron nga entry siya. When we were tracking as to his whereabouts, nakita natin sa Angeles. It took us days para malaman kung saan siya doon.”
Dagdag pa niya, “Luckily, napadaan tayo sa isang community doon, siya namang labas niya. So we alerted our agency partners, then naikasa natin ‘yung operation sa kanya.”
Batay sa rekord ng Bureau of Immigration, huling pumasok ang suspek sa Pilipinas noong Disyembre 12, 2025 bilang temporary visitor, ngunit naging overstaying alien matapos mag-expire ang kanyang permit noong Hunyo 9, 2026.
Sinabi rin ni Guiagui na sinubukan umanong mag-renew ng visa ang suspek ngunit hindi ito personal na nagtungo sa Bureau of Immigration, dahilan upang matuklasan ang kanyang Interpol Red Notice.
Ayon sa mga awtoridad sa South Korea, ang suspek at kanyang mga kasabwat ay nagpanggap na mga negosyante at pinabili ang mga biktima ng iba’t ibang produkto kapalit ng pangakong babayaran sila. Ngunit matapos makuha ang mga produkto, nawawala umano ang mga suspek.
Tinatayang pitong biktima ang naloko sa 24 na transaksyon na nagkakahalaga ng humigit-kumulang 170 milyong Korean won o P6.7 milyon.
Iniimbestigahan din ng CIDG kung may mga Pilipinong nabiktima ng suspek habang nasa bansa, ngunit sa ngayon ay wala pa umanong lumalapit na complainant.
Matapos ang pag-aresto, isinailalim ang suspek sa Bureau of Immigration para sa deportation habang nagpapatuloy ang kaso laban sa kanya sa South Korea. RNT/MDS