LEYTE, Philippines – Nagsampa na ang Philippine National Police (PNP) ng dalawang bilang ng kidnapping with double homicide laban sa tatlong suspek sa pagpatay kay dating Abuyog, Leyte Vice Mayor James Bohol at sa kanyang anak na si Carlo.
Inihain ang kaso noong Huwebes sa Office of the Provincial Prosecutor sa Abuyog laban kina Mark James Taboy, Kim Solayao, at Reniel Galza, na pawang residente ng Basey, Samar.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang tatlo matapos silang sumuko sa Pasay City noong Hunyo 30.
Ayon sa PNP, matibay ang ebidensyang nakalap, kabilang ang forensic findings, testimonya ng mga saksi, at galaw ng mga suspek bago at matapos ang krimen.
Nawawala sina James Bohol, 60, at Carlo, 30, matapos umanong dukutin sa kanilang bodega sa Mayorga, Leyte noong Hunyo 27. Natagpuan ang kanilang mga bangkay makalipas ang tatlong araw sa isang bangin sa Barangay Imelda, Silago, Southern Leyte.
Lumabas sa medico-legal examination na nagtamo si James ng tatlong saksak sa leeg, habang si Carlo ay may anim na saksak sa leeg.
Sinabi ng pulisya na pinaniniwalaang nagtangkang tumakas ang mga suspek bago sila sumuko.
Iginiit naman ni Taboy sa isang kumakalat na video na self-defense ang nangyari at wala silang intensiyong patayin ang mga biktima. Ngunit ayon sa legal officer ng Leyte Police Provincial Office, ang korte ang magpapasya kung katanggap-tanggap ang naturang depensa.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa krimen. Isa sa mga tinitingnang anggulo ay ang umano’y hindi nabayarang utang ni Taboy sa dating vice mayor. RNT/MDS