MANILA, Philippines – Pormal nang umupo bilang bagong talaga na district director ng Southern Police District (SPD) si Brig. Gen. Bernard Yang Lunes ng umaga, Setyembre 30.
Pinalinatan ni Yang si outgoing SPD chief Brig. Gen. Leon Victor Rosete na matatalaga bilang acting director ng Police Regional Office (PRO) 11 sa Davao City.
Pinangunahan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) regional director Major Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagiging saksi sa ginanap na turnover ceremony SPD grounds sa Taguig City.
Bago pa man maupo bilang Deputy District Director for Administration (DDA) ng SPD ay naitalaga si Yang bilang Senior Police Assistant sa tanggapan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin C. Abalos, Jr. noong Oktubre ng nakaraang taon.
Matapos masungkit ni Yang ang estrelya sa kanyang balikat bilang full-pledged Brigadier General nito lamang nakaraang Marso ay unti-unting natupad ang kanyang pinakamimithing pangarap na maging pinuno ng isang distrito ng kapulisan at yan ay ang SPD.
Ayon kay Yang, nais niyang maging Best Police District at Best Anti-Drug District ang SPD sa NCRPO gayundin ang pagiging Number 1 sa larangan ng Crime Prevention at manguna rin sa pag-aresto ng mga most wanted persons.
Nangako rin si Yang na magpapatupad siya ng isang komprehensibong programa ng pagpapatrulya na magbebenepisyo ang mga mamamayan tulad ng presensya ng pulisya sa pagpigil ng krimen, pagbabantay sa mga komunidad, pagpapalakas ng Police-Community Relations at ang pakikipagtulungan ng publiko sa pagsugpo ng krimen.
Dagdag pa ni Yang na alam niyang isang malaking pagsubok ang kanyang tinanggap na responsibilidad bilang district director ng SPD kung kaya’t nanawagan siya sa kanyang mga kabaro na sa pamamagitan ng pagkakaisa ay makabubuo sila ng isang legasiya. (James I. Catapusan)