MANILA, Philippines – Nanawagan sa mga indibidwal at party-list group na tatakbo sa 2025 pambansa at lokal na halalan ang isang grupo ng nagsusulong laban sa basura at polusyon na isaisip ang kalusugan ng publiko at ang kapaligiran sa panahon ng kanilang kampanya.
Sa isang pahayag, inulit ng EcoWaste Coalition ang panawagan nito para sa pangangalaga sa kapaligiran at pagpapanatili sa kampanya sa eleksyon dahil mahigit 500,000 aspirants ang inaasahang maghain ng mga certificate of candidacy (COCs) mula Oktubre 1 hanggang 8 para sa higit sa 18,000 nasyonal at lokal na elective posts.
Apela ni EcoWaste Coalition national coordinator Aileen Lucero sa mga kalahok na indibidwal, partidong pampulitika at party-list group at kanilang mga tagasuporta na ipakitang tunay silang nagmamalasakit sa Mother Earth at sa kanyang mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangangalaga sa kapaligiran ng nararapat na kahalagahan sa mga isip, salita at gawa.
“We ask them to incorporate pressing environmental issues and concerns into their platforms and plans, conserve resources and avoid wastage as they reach out and woo the electorate,” dagdag pa ng grupo.
Hinimok din ng grupo ang mga kandidato na maghahain ng kanilang COCs nang walang fanfare, polusyon, motorcade, at parada na nagdudulot ng traffic.
Sa panahon ng kampanya, hinimok din ng grupo ang mga kandidato na bawasan ang paggamit ng plastic, iwasan ang mga materyal na may hazardous chemicals at ang pagkakabit ng poster sa mga puno.
Sinabi ng grupo na dapat tanggalin ng mga kandidato ang kanilang campaign materials para itapon o i-recycle pagkatapos ng botohan sa Mayo 12, 2025. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)