MANILA, Philippines – Naniniwala si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na dapat ilabas muli sa publiko ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng lahat ng opisyal ng gobyerno — kabilang ang mga kongresista — upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian sa flood control projects.
“Sa tingin ko, kailangan talagang makita ng taumbayan ang SALN ng mga miyembro ng Kongreso at lahat ng opisyal ng gobyerno, para manumbalik ang tiwala sa atin,” pahayag ni Dy sa kaniyang unang press conference bilang lider ng Kamara.
Nang tanungin kung handa siyang ilabas ang sarili niyang SALN, sagot niya: “Yes. Kung kinakailangan ipakita ang aking SALN.”
Ayon sa Republic Act 6713, dapat bukas sa publiko ang SALN, kasabay ng itinatadhana ng Konstitusyon na ang “public office is a public trust.”
Ngunit noong 2020, nilimitahan ni dating Ombudsman Samuel Martires ang access at inatasan na kailangan muna ang pahintulot ng opisyal bago maibigay ang kopya ng SALN. RNT