MANILA, Philippines – Pinarangalan ng mga pinuno at miyembro ng Kamara si House Speaker Faustino Dy III sa kanyang ika-65 kaarawan, kung saan kinilala ang kanyang maayos at inclusibong pamumuno na nagpatatag sa institusyon at nagbalik ng tiwala ng publiko sa House of Representatives.
Sa isang sorpresang pagtitipon na inorganisa ng mga opisyal at kawani ng House of Representatives para sa kanyang kaarawan noong Agosto 31, kinilala ni Senior Deputy Speaker at South Cotabato Rep. Ferdinand Hernandez ang katapatan at determinasyon ni Dy na isulong ang mga pagbabago sa Kamara sa kabila ng mga hamon.
Ayon kay Hernandez, hindi naghanap ng popularidad si Dy kundi nakatuon ito sa paghahatid ng konkretong resulta na nagbalik sa tiwala ng mamamayan sa legislative branch.
Nagpaabot din ng pasasalamat sina Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos at Minority Leader Marcelino Libanan.
Binigyang-diin ni Libanan ang apat na dekadang serbisyo publiko ni Dy mula sa pagiging barangay captain hanggang sa maging Speaker na bunga ng kanyang kahusayan, kasipagan, at kababaang-loob.
Sinabi naman ni House Secretary General Cheloy Garafil na kitang-kita ang malasakit ni Dy hindi lamang sa mga kinatawan kundi maging sa kapakanan ng mga ordinaryong empleyado ng Mababang Kapulungan.
Sa kanyang tugon, nanawagan si Speaker Dy sa mga mambabatas at kawani na panatilihin ang pagkakaisa upang patuloy na maiangat ang lebel ng serbisyo sa publiko sa ilalim ng isinusulong nitong “Bagong Kongreso.”
“Palakasin pa natin ang ating paniniwala na kayang kaya nating ibangon ang Bagong Kongreso. Mahaba pa ang laban natin, Nakakapag umpisa pa lang tayo, pero dapat lalo natinbipaglaban ang tama at ipaglaban natin ibangon ang Kongreso sa tulong ng bawat isa” pahayag ni Speaker Dy.
Binigyang-diin ng Speaker na ang mga naabot na tagumpay sa pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko ay simula pa lamang, at kinakailangang magpatuloy ang sama samang pagkilos upang maitaguyod ang transparency, accountability, at intitutional reform. Gail Mendoza