MANILA, Philippines – Itinanggi ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III nitong Miyerkules ang mga ulat na may palihim na pagdaragdag ng pondo sa 2026 Department of Public Works and Highways (DPWH) budget sa kasalukuyang bicameral deliberations, at tinawag itong “mali at misleading.”
“Nais ko lang pong itama ang mga kumakalat na ispekulasyon: wala pong nangyayaring ‘insertion’ o palihim na pagdaragdag ng pondo o probisyon sa bicameral conference committee,” ani Dy.
Aniya, lahat ng items sa House version ng budget ay aprubado na bago pa magsimula ang bicameral conference. Ipinaliwanag niya na ang tungkulin ng komite ay i-reconcile lamang ang bersyon ng Kamara at Senado, at hindi magdagdag ng bagong items.
“Bilang Speaker ng Kamara, ako po ay naninindigan sa malinis, maayos, at tapat na proseso ng paggawa ng budget. Ginagawa po natin ito hindi para sa pansariling interes kundi para sa ikabubuti ng bawat Pilipino,” dagdag pa niya. RNT