MANILA, Philippines- Bumuo ang Department of Justice ng Special Investigation Team (SIT) para tutukan ang kasong murder sa broadcaster na si Eduardo “Ed” Dizon Kidapawan, matapos mapawalang-sala ang isa sa mga suspek at pansamantalang mapalaya ang isa pa sa pamamagitan ng ipinagkaloob na piyansa.
Binaril si Dizon, radio commentator para sa Brigada News FM sa Kidapawan City, noong July 10, 2019.
Sa memorandum ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, inaprubahan ang pagbuo ng SIT batay sa kahilingan ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director Undersecretary Paul M. Gutierrez.
Itinalaga ni Remulla si Malolos City Prosecutor Aldrin Evangelista na mangasiwa sa SIT.
Sa direktiba ni Remulla, inatasan ang SIT na regular na magsumite ng update sa kanyang tanggapan hinggil sa kaso at pormal na isumite sa kalihim ang mga ulat at rekomendasyon sa loob ng 30 araw.
Ayon sa DOJ, huli na nang ipaalam sa PTFoMS na napawalang-sala ang isa sa mga suspek na si Sotero ‘Jun’ Jacolbe habang ang itinuturing na mastermind na si Dante Encarnacion Tabusares, alyas Bong Encarnacion, ay pinayagang makapagpiyansa sa halagang P500,000.
Samantala, nagpasalamat si Gutierrez kay Remulla dahil sa mabilis nitong aksyon sa pagbuo ng SIT sa kaso ni Dizon.
Sinabi ni Gutierrez na masusing nakikipag-ugnayan ang PTFoMS sa partner agencies nito para makakalap ng mga ebidensya at testigo kahit lumipas na ang ilang taon.
Iginiit ni Gutierrez na malinaw ang nais iparating na mensahe ng PTFoMS na titiyakin nila na gagawin ng task force ang lahat upang mapanagot ang mga nasa likod ng mga karumal-dumal na krimen laban sa media. Teresa Tavares