MANILA, Philippines – Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang special non-working days sa ilang bayan sa Batangas, Palawan at Tarlac para ipagdiwang ang lokal na kapistahan sa mga nasabing lalawigan.
Sa ilalim ng Proclamation 1215, idineklara ni Pangulong Marcos ang Mayo 2, araw ng Sabado bilang isang special non-working day sa Munisipalidad ng Bauan sa Batangas para sa pagdiriwang ng Sublian Festival.
Ang lokal na kapistahan ay kilala sa cultural at religious significance nito, pagkilala sa Holy Cross at Sto. Nino sa pamamagitan ng tradisyonal na sayaw at ritwal.
Nagpalabas din si Pangulong Marcos ng Proclamation 1216 na nagdedeklara sa Mayo 4, araw ng lunes, bilang special non-working day sa Munisipalidad ng Taytay sa Palawan, para sa Pasinggatan Festival para bigyang-pugay ang mayamang kasaysayan at pamana.
Gayundin nagpalabas si Pangulong Marcos ng Proclamation 1217, dinedeklara ang Mayo 8, araw ng Biyernes bilang special non-working day sa Camiling, Tarlac. Ito’y pagdiriwang sa taunang pista ng bayan kung saan ginagawa ang mga religious activity at community festivity.
Samantala, ang tatlong proklamasyon ay tinintahan noong Abril 16, 2026 ni Acting Executive Secretary Ralph Recto, na may pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (KRIS JOSE)