MANILA, Philippines – Arestado ang 41-anyos na lalaking sangkot umano sa pagbenbenta ng baril sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Kaagad sinunggaban ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek nang tanggapin ang markadong salapi kapalit nang ibinebentang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Talento na naganap ang entrapment operation sa Karuhatan Service Road, Brgy. Karuhatan nang makipag-transaksiyon umano ang suspek sa isang tauhan ng Valenzuela police noong Martes ng gabi na dahilan para ikasa ang operasyon.
Bukod sa revolver na walang serial number, nakumpiska rin sa suspek ang markadong salapi na ginamit sa buy-bust at isang pouch bag na pinaglalagyan ng armas.
Iprinisinta na para sa inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10502 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (Merly Duero)