NAPAKALAKING papel ang pagkakaroon nang maayos at komportableng pagtanda ay ang paghahanda para sa ating kinabukasan at ang pagkakaroon ng pensyon o ipon para sa ating pagreretiro.
Sa pamamagitan ng pensyon, nagkakaroon tayo ng pinansyal na seguridad na magiging sandigan natin sa mga panahong hindi na tayo makakapagtrabaho. Ang pagkakaroon ng sapat na pensyon ay makakatulong hindi lamang para sa ating mga personal na pangangailangan, kundi maging sa ating mga mahal sa buhay.
Ang pagkakaroon ng ipon o pag-i-invest ng maaga, gaya ng pagsali sa SSS o Social Security System, GSIS o Government Service Insurance System, o pag-invest sa iba’t ibang mga pondo, ay magbibigay sa atin ng proteksyon at seguridad sa oras ng ating pagreretiro.
Pero ang malungkot na katotohanan, marami sa mga kasama natin ngayon ay hindi binigyang halaga ang pagdating sa punto ng pagtanda.
Ang SSS ay higit pa sa isang simpleng pagtutulungan. Ito ay isang hakbang tungo sa pagpapabuti ng ating kinabukasan. Ang bawat kontribusyong ating inilalaan sa SSS ay parang paghahanda ng salbabida na maaasahan sa panahon ng emerhensya, sakuna, o kahit sa ating pagreretiro.
Isa sa pinakamahalagang benepisyong handog ng SSS ay ang pagkakaroon ng pensyon sa oras na tayo ay magretiro. Sa pamamagitan nito, masisiguro natin na kahit hindi na tayo nagtatrabaho, mayroon tayong pagkukunan ng tulong pinansyal para sa ating pang-araw-araw na pangangailangan. Bukod dito, sakop din ng SSS ang mga benepisyo sa oras ng pagkakasakit, pagkabaldado, maternity, at pati na rin ang funeral benefits para sa ating mga naulila. Lahat ng ito ay nagpapakita ng layunin ng SSS na masigurong walang miyembro ang magigipit sa panahon ng matinding pangangailangan.
Ang pagiging miyembro ng SSS ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas matiwasay na kinabukasan. Higit pa rito, ito ay pagkakaroon ng kasiguraduhan para sa ating pamilya, dahil anomang mangyari, alam nating may sasalo at tutulong sa atin. Kaya’t patuloy tayong mag-ambag at maging aktibong miyembro ng SSS para sa mas ligtas at maginhawang kinabukasan para sa ating sarili at sa ating mga mahal sa buhay.
Sa mga medyo bata-bata pa, tandaan natin na ang paghahanda para sa pagtanda ay hindi nagsisimula kapag tayo ay matanda na. Nagsisimula ito sa ngayon, sa bawat desisyong ginagawa natin araw-araw. Sana ay magsilbing inspirasyon ito sa ating lahat upang bigyang-halaga ang ating kalusugan at kalagayang pinansyal. Sa gayon, sa panahon ng pagtanda, maaari nating masabi na tayo ay nakapaghanda ng maayos at makakapamuhay nang matiwasay at may kapayapaan ng loob.