NAGSAGAWA ng operation ang Social Security System (SSS) Ilagan, Isabela branch laban sa siyam na employer sa lungsod na hindi nagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado, sa ilalim ng programang Run After Contribution Evaders o RACE campaign ng ahensya.
Sa isinagawang operasyon ng SSS nitong Hunyo 2025, personal na inabot ang mga sulat- ultimatum sa delinquent employers na may kabuuang atraso na halos Php 290,000.
Sinabi ni SSS Ilagan branch manager Jesus Gonzales na layunin ng programa na hikayatin ang mga employer na tuparin ang kanilang obligasyon sa ilalim ng batas upang mapangalagaan ang karapatan ng mga manggagawa sa mga benepisyo tulad ng retirement, pagkakasakit, kapansanan, at kamatayan.
Dagdag pa ni Branch Manager Gonzales, hindi nais ng SSS na parusahan lang ang mga employer, pangunahing layunin nilang gabayan ang mga ito upang maisaayos ang kanilang mga record at maiwasan ang mas mabigat na parusa.
Sa mga nasabing pasaway, dalawa sa mga employer ang nadiskubreng hindi rehistrado sa SSS, kaya’t sinimulan na rin ang proseso upang maparehistro ang mga ito at maitala ang kanilang mga manggagawa.
Base sa patakaran ng SSS, ang mga employer na makatanggap ng sulat-ultimatum ay may 15 araw para sumunod sa mga kinakailangan, kabilang ang pagpaparehistro ng kompanya at mga empleyado, pagre-report ng kontribusyon, at pagre-remit ng bayad. Kung hindi makasusunod, maaaring humarap ang mga ito sa ligal na aksyon o multang alinsunod sa Social Security Law o ang Republic Act No. 11199.
Patuloy ang panawagan ng SSS sa mga employer sa buong rehiyon na agad makipag-ugnayan sa pinakamalapit na sangay upang maiwasan ang anomang ligal na abala, at upang matiyak na ligtas at protektado ang kinabukasan ng kanilang mga manggagawa.
Paalala ng SSS sa mga pasaway na employer, maaaring mag-avail ng Penalty Condonation Program kung saan maaaring mabawasan o matanggal ang multa kung sila ay magbabayad o makikipag-areglo. Bukas din ang ahensya sa payment installment schemes para sa mga employer na may malalaking obligasyon.
Ang RACE Campaign ay regular na isinasagawa hindi lamang sa urban centers kundi pati sa mga malalayong probinsya upang matiyak ang pagsunod ng lahat ng employer, malaki man o maliit ang negosyo.






