Home METRO 3 Suspek timbog sa buy-bust sa Taytay; mahigit P1M halaga ng tobats...

3 Suspek timbog sa buy-bust sa Taytay; mahigit P1M halaga ng tobats at baril nasamsam

RIZAL, Philippines – Timbog ang isang High Value Individual (HVI) at dalawang Street Level Individuals (SLI) sa ikinasang buy-bust operation ng Taytay Municipal Police Station (MPS) katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Blk. 31, San Lorenzo Ruiz Phase 1, Brgy. San Juan, Taytay, Rizal nitong madaling araw ng Hulyo 6, 2025.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga naaresto na sina alyas “Bibidu”, 26, taxi rider at HVI; alyas “Balong”, 30, lalamove driver; at alyas Pusa, 37, tricycle driver.

Ayon sa ulat, dakong 1:05 ng madaling-araw nang madakip ang mga suspek matapos bentahan ng pangunahing target na si alyas “Bibidu” ang poseur-buyer ng isang sachet ng hinihinalang shabu. Pagkaraan ng aktong transaksyon, agad itong inaresto at nakuha sa kanyang pag-iingat ang dalawa pang sachet ng shabu.

Samantala, ang dalawa pang ibang suspek na bumibili rin umano ng ilegal na droga kay alyas “Bibidu” sa parehong lugar ay nahuli rin sa akto. Narekober kay alyas “Balong” ang isang sachet ng shabu, isang calibre .22 revolver na may dalawang bala, at pera. Samantalang kay alyas “Pusa” naman ay nakuha rin ang isang sachet ng shabu.

Kabuuang limang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 150 gramo at halagang P1,020,000 ang nakumpiska mula sa mga suspek.

Bukod sa droga, nasamsam din sa operasyon ang buy-bust money, iba pang halaga, mobile phone, small firearm, at drug paraphernalia.

Dinala sa Taytay MPS ang mga naaresto para sa kaukulang dokumentasyon at sila ay pansamantalang nakakulong sa Fishport Custodial Facility ng Taytay MPS habang inihahanda ang mga kaukulang kaso laban sa kanila sa paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act). (Maritess Pumaras)