Home NATIONWIDE SSS PENSIONERS’ DAY, tampok sa 69th anniversary; pension loan hanggang P300K

SSS PENSIONERS’ DAY, tampok sa 69th anniversary; pension loan hanggang P300K

2
0

MANILA, Philippines — Tampok sa pagdiriwang ng ika-69 anibersaryo ng Social Security System (SSS) ngayong Setyembre 11 ang SSS Pensioners’ Day, bilang pagkilala sa mga retiradong miyembro na nag-ambag sa ekonomiya sa panahon ng kanilang pagiging aktibo sa trabaho.

Ang naturang pagdiriwang ay ginanap sa Federation of Filipino Chinese Chambers of Chambers of Commerce and Industry Inc. Federation Center na may temang “Bawat Isa Protektado, Bawat Bukas Sigurado,” na may layong ipakita ang patuloy na pagtupad ng SSS sa mandato nitong magbigay ng maaasahan at inklusibong social security protection sa mga miyembro at pensyonado.

Ayon sa SSS, ang “Bawat Isa Protektado” ay tumutukoy sa proteksiyong ibinibigay sa mga manggagawa, miyembro at pensyonado laban sa mga panganib gaya ng pagkakasakit, kapansanan, pagtanda at pagkamatay.

Samantala, ang “Bawat Bukas Sigurado” ay sumasalamin sa layunin na ang mga kontribusyon at benepisyong natatanggap ngayon ay magsilbing seguridad para sa kinabukasan ng mga miyembro at kanilang pamilya.

Kasabay nito, muling binigyang-diin ng SSS ang Pension Loan Program (PLP) na inilunsad noong Setyembre 2018 upang matulungan ang mga retiree pensioner sa kanilang agarang pangangailangang pinansyal sa pamamagitan ng pautang na mababa ang interes at hindi nangangailangan ng ATM card bilang collateral.

Noong Setyembre 2025, pinalawak ang programa upang maisama ang surviving spouse pensioners, na maaari na ring maka-access sa ligtas at abot-kayang pautang.

Para sa kwalipikadong retiree pensioners, maaaring umutang ng katumbas ng 3, 6, 9 o 12 buwan ng Aggregate Monthly Pension, hanggang sa maximum na P300,000, na may fixed loan terms na 6, 12 o 24 buwan.

Para naman sa surviving spouse pensioners, ang loanable amount ay 50% ng kanilang Aggregate Monthly Pension na maaaring i-multiply sa 3, 6, 9 o 12 buwan, hanggang P150,000, na may loan terms na 6 o 12 buwan.

May 10% interest kada taon ang pension loan, na kinakalkula batay sa diminishing principal balance. Tinitiyak din ng SSS na mananatili sa hindi bababa sa 40% ng buwanang pensyon ang net take-home pension ng borrower kapag nagsimula na ang hulog.

Kabilang sa pangunahing requirements para sa retiree pensioners ang aktibong pension status, hindi hihigit sa 85 taong gulang sa pagtatapos ng loan term, walang deductions sa buwanang pensyon, at rehistrado sa SSS website na may updated contact information at enrolled disbursement account.

Para sa surviving spouse pensioners, kailangan ding may SS number, rehistrado sa SSS website, aktibong tumatanggap ng pensyon nang hindi bababa sa isang buwan, walang deductions sa pensyon at siya ang sole payee ng death benefit.

Maaaring mag-apply sa pension loan over-the-counter sa E-Centers ng SSS branches/service offices o E-Partners, o kaya online gamit ang My.SSS account. Ang loan proceeds ay direktang ikakredito sa enrolled pensioner disbursement account ng borrower. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here