Home METRO Sta. Rosa Laguna nasa state of calamity sa pertussis

Sta. Rosa Laguna nasa state of calamity sa pertussis

SANTA ROSA CITY, Laguna – Nagdeklara na ng state of calamity ang lungsod na ito dahil sa pertussis o whooping cough outbreak.

Iniulat ng Department of Health-Center for Health Development-Calabarzon ang 276 na kaso sa lungsod na ito mula Enero 1 hanggang Abril 6 na may 103 kumpirmadong kaso.

Ang Laguna ang may pinakamaraming kaso na may 56 – 27 ang kumpirmado at 15 ang mula sa lungsod na ito, San Pedro City, apat; Calamba City, anim, at Los Baños, dalawa.

Ang state of calamity ay nagbibigay-daan sa pamahalaang lungsod na magbigay ng agarang pagtugon at tulong sa mga pasyente at maiwasan ang karagdagang pagkalat ng sakit.

Nagbigay ng karagdagang pentavalent vaccines ang DOH-CHD-Calabarzon sa pamahalaang lungsod.

Ang pertussis, kilala rin bilang whooping cough, ay isang sakit sa paghinga na dulot ng bacteria na Bordetella pertussis. Naililipat ito mula sa tao patungo sa tao sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing.

Hinimok ng DOH ang publiko na magsagawa ng wastong paghuhugas ng kamay, magsuot ng face mask, at sundin ang etika sa pag-ubo at pagbahing. RNT