Home HOME BANNER STORY State of Calamity sa Maynila, nakaumang – Yorme

State of Calamity sa Maynila, nakaumang – Yorme

210
0

MANILA, Philippines – DAHIL sa malawakang pagbaha sa lungsod ng Maynila dulot ng tuloy-tuloy na buhos ng ulan na hatid ng Habagat, hiniling ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa Sangguniang Panlungsod na magdeklara ng “State of Calamity”.

Ito ay matapos personal na bisitahin ni Yorme at ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Reyes Dela Fuente ang mga evacuation centers sa anim na distrito ng Maynila.

Sa ginanap na Yorme’s Hour Emergency Broadcast na napanood sa social media FB page ni Domagoso, hihilingin niya bukas, Hulyo 23, sa Konseho na magdeklara ng state of calamity para magamit ng 896 barangay ang kanilang calamity funds para sa pagtulong sa kanilang barangay gayundin ang pamahalaang lokal.

Sanib pwersa ang mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Manila Police District (MPD) sa rescue operations para tulungan ang mga residente na na-trap sa loob ng kanilang tahanan dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig baha.

Kabilang sa mga nailigtas ang isang 63 anyos na si Irene Arellano na isa nang bedridden kung saan inabot na ang kanyang higaan ng tubig baha. Agad na kumilos ang mga rescue team at matagumpay na nailikas ang matanda.

Ayon kay Dir. Dela Fuente, namahagi sila ng mainit na pagkain sa mga bakwit upang mainitan ang kanilang mga sikmura bunsod ng malamig na panahon dulot ng walang tigil na ulan gayundin ng malinis na tubig inumin sa iba’t-ibang evacuation areas, pati na ang kanilang mga pangunahing pangangailanan habang inihanda naman ng Manila Health Department (MHD) ang kakailanganing gamot para sa mga tatamaan ng sakit na nakukuha sa tubig-baha. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here