Home NATIONWIDE 27 patay sa pagbagsak ng jet ng Bangladesh Air Force

27 patay sa pagbagsak ng jet ng Bangladesh Air Force

262
0

BANGLADESH – Hindi bababa sa 27 katao ang nasawi matapos bumagsak ang isang training jet ng Bangladesh Air Force sa loob ng campus ng isang kolehiyo at paaralan sa Dhaka, ayon sa mga opisyal nitong Martes, Hulyo 22.

Aabot sa 88 katao, kabilang ang mga bata, ang ginagamot ngayon sa ospital dahil sa mga tinamong paso, ayon kay Sayedur Rahman, special assistant sa chief adviser on health.

Ang insidente ay naganap bandang 1:06 p.m. nitong Lunes, ilang sandali matapos mag-take off ang F-7 BGI aircraft mula sa Kurmitola airbase sa kabisera.

Ayon sa militar, nakaranas ng mechanical failure ang eroplano habang nasa training mission.

Kasama sa mga nasawi ang piloto ng jet, at agad nang nagtatag ang militar ng imbestigasyon sa insidente.

Nagdeklara ng araw ng pagluluksa ang gobyerno ng Bangladesh.

Ang F-7 BGI ay huling bersyon ng Chengdu J-7/F-7 jet mula sa China. Nakumpleto ng Bangladesh ang 16-unit delivery nito noong 2013 matapos ang kasunduang pinirmahan noong 2011.

Naganap ang pagbagsak ilang linggo matapos din bumagsak ang isang Air India plane sa isang medical college sa Ahmedabad, India na ikinamatay ng 241 sa 242 pasahero at 19 katao sa lupa, sa tinaguriang pinakamalalang aviation disaster sa loob ng isang dekada. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here