MANILA, Philippines- Arestado sa umano’y paulit-ulit na panggagahasa sa kanyang stepdaughter ang isang 60-anyos na construction worker sa Baseco, Maynila.
Ayon kay Baseco Police Station commander Police Lieutenant Colonel Emmanuel Gomez, naaresto ang suspek sa bisa ng warrant sa kasong statutory rape.
Ang ama ng biktima ang nagsilbing complainant sa kaso ayon kay Gomez.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Gomez na ang biktima ay ginahasa umano ng kanyang stepfather, dalawa hanggang tatlong beses sa isang buwan mula nang ito ay 11 taong gulang pa lamang hanggang siya ay edad 14.
Noong Hunyo 2024, tinangka muling gahasain ng suspek ang biktima ngunit tumanggi ang bikima.
Ayon kay Gomez, pinabayaan ng biktima na maging lihim ang nangyari sa kanya dahil tinatakot siya na papatayin ang kanyang kapatid at magulang.
Bukod dito, tinakot din ang biktima na hindi na susuportahan sa kanyang pag-aaral.
Napansin naman ng kanyang guro na madalas itong lumiliban sa klase kaya binisita ito at nagsumbong sa guro na siya ay inaabuso at minolestiya sa loob ng napakahabang panahon ng kanyang stepfather.
Itinanggi naman ng suspek ang alegasyon ng biktima.
Ayon sa suspek, nag-ugat aniya ang lahat ng ito sa isang isyu sa pamilya na lumaki dahil paulit-ulit niyang pinapagalitan ang biktima dahil sa ugali at kilos nito.
Kinasuhan ng statutory rape laban sa suspek na ngayon ay nakakulong sa Baseco Police Station.
Ang biktima naman ay sasailalim sa counselling sa tulong ng Department of Social Welfare and Development. Jocelyn Tabangcura-Domenden