MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng mga awtoridad ang forced evacuation sa Siargao, Surigao del Norte at Dinagat Islands matapos ibabala ng PAGASA ang storm surge na hanggang tatlong metro ang taas o lampas pa sa pagtama ng Bagyong Tino.
Nitong Lunes, Nobyembre 3, ibinabala ng PAGASA ang storm surge na lampas tatlong metro sa mga coastal areas ng Siargao Island, Surigao del Norte, at Dinagat Islands sa loob ng 48 oras.
Nanawagan na si General Luna councilor Bingle Silvosa sa mga residente na sumunod sa abiso ng mga awtoridad.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng General Luna, nagsimula na ang mandatory evacuation sa low-lying at coastal barangay sa Siargao Island.
Inabisuhan din ang mga residente na ilipat na sa ligtas na lugar ang kanilang mga bangka, iwasan ang pagbiyahe sa dagat at suspendihin ang mga tourism activity lalo na sa Siargao.
Pinalilipat din sa mga ligtas na lugar ang mga turistang tumutuloy sa mga beachfront o mga lodging na gawa sa light material. RNT/JGC