TEHRAN, Iran – Inihayag ng militar ng Iran na muli nitong isinara at kinontrol ang Strait of Hormuz noong Sabado, ilang oras matapos itong muling buksan at makadaan ang mahigit isang dosenang komersyal na barko.
Ang pabago-bagong desisyon sa kipot ay nagdulot ng pagdududa sa optimismo ni Donald Trump na “very close” na ang kasunduan para wakasan ang digmaan ng US at Israel laban sa Iran.
Noong Biyernes, inanunsyo ng Tehran na bukas ang kipot matapos ang ceasefire sa Lebanon upang ihinto ang digmaan ng Israel laban sa Hezbollah.
Ang Strait of Hormuz ay dinadaanan ng halos ikalimang bahagi ng suplay ng langis at liquefied natural gas sa mundo.
Dahil dito, bumaba ang presyo ng langis at naging positibo ang global markets. Ngunit iginiit ni Trump na magpapatuloy ang naval blockade ng US sa mga pantalan ng Iran hanggang may kasunduan, kaya nagbanta ang Iran na muli itong isasara.
Kalaunan, sinabi ng Iranian state TV na ang “control of the Strait of Hormuz has returned to its previous status” at ito ay mahigpit na binabantayan ng kanilang armed forces bilang tugon sa patuloy na blockade ng US.
Sa kabila nito, ilang barko ang mabilis na dumaan sa kipot, ang iba ay dumidikit sa teritoryo ng Iran at nagpapakilalang mula India o China upang ipakitang neutral sila.
Pagsapit ng 10:30 GMT, walong oil at gas tankers ang nakatawid, habang may ilan ding umatras.
May apat na araw na lang bago matapos ang dalawang linggong ceasefire sa digmaan na nagsimula noong Pebrero 28. Gayunman, nananatiling kumpiyansa si Trump at sinabi niyang “we’re very close to having a deal” at “no sticking points at all.”
Pinuri rin niya ang Pakistan bilang tagapamagitan. Ang pinuno ng militar nito na si Asim Munir ay bumisita sa Iran para sa usapang pangkapayapaan, habang ang Punong Ministro ng Pakistan na si Shehbaz Sharif ay nakipagpulong sa Saudi Arabia, Qatar, at Turkey.
Kasama rin sa usapan ang Egypt, na umaasang makakamit ang kasunduan “in the coming days.” Isang bagong round ng peace talks ang inaasahan sa Islamabad sa susunod na linggo.
Samantala, nananatiling bukas ang airspace ng Iran ayon sa kanilang civil aviation agency, ngunit may dalawang malaking isyu pa: ang stockpile ng enriched uranium ng Iran at ang kinabukasan ng Strait of Hormuz.
Sinabi ni Trump na handa ang Iran na ibigay ang humigit-kumulang 440 kilo ng uranium na enriched sa 60%, ngunit itinanggi ito ng Iran. Ayon kay Esmaeil Baqaei, “Iran’s enriched uranium is not going to be transferred anywhere” at “Transfer of Iran’s enriched uranium to the US has never been raised in negotiations.”
Habang nagpapatuloy ang tensyon, nananatiling walang internet access ang maraming mamamayan sa Iran, na umabot na sa ika-50 araw ng blackout ayon sa Netblocks. RNT/MND/Fred Cabalbag