Home NATIONWIDE Strip search sa dumalaw na asawa ng PDLs sa NBP, pinaiimbestigahan ni...

Strip search sa dumalaw na asawa ng PDLs sa NBP, pinaiimbestigahan ni Catapang

MANILA, Philippines – Agad iniutos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. na maimbistigahan ang isinasagawang strip search sa asawa ng mga prisoner deprived of liberty (PDLs) na bumibisita sa New Bilibid Prison (NBP).

Naghain na ng reklamo sa Commission on Human Rights (CHR) ang dalawang misis ng PDL na dumanas umano ng traumatic at nakakahiyang karanasahan sa isinagawang strip search sa kanila noong Abril 21 sa NBP Maximum Security Compound.

Bukas si Catapang sa anumang imbestigasyon na gagawin ng iba’t ibang ahensya para maging malinaw ang usapin.

Iginiit ni Catapang na istriktong ipinatutupad ang strip search sa lahat ng prisons at penal farms dahil maraming bilang ng mga bumibisita ang nagtatangka na magpasok ng mga kontrabando.

Sa datos ng BuCor mula Oktubre 2023 hanggang Marso 2024, nasa 30 bisita ang nahulihan na nagpupuslit ng mga ipinagbabawal gaya ng iligal na droga na inilalagay sa kanilang ari o itinatahi sa kanilang underwear.

Si NBP Acting Superintendent Roger Boncales ang nagrekomenda ng strip search sa lahat ng mga bumibisita sa NBP dahil hindi na epektibo ang random search at frisk search.

Salig sa BuCor Operating Manual hinggil sa visitor control, ang mga babaeng bumibisita ay kinakapkapan ng mga babae na corrections officers sa pribadong lugar na may permiso ng bisita mismo.

“We have to be strict, without fear or favor, in the implementation of strip search, otherwise we will negate our responsibility of protecting our PDLs and if we exempt an individual, we might be accused of giving VIP treatment,” ani Catapang.

Muling iginiit ni Catapang ang apela nito para sa dagdag na budget upang makabili ng full body scanner machines kapalit ng strip search. Teresa Tavares