Habang naghihikahos ang Pilipinas sa pananalasa ng anim na malalakas na bagyo sa loob lamang ng isang buwan, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go pagaanin ang pasanin ng mga estudyante at kanilang pamilya sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Dahil dito, kabilang si Go sa nag-akda at nag-sponsor ng Senate Bill No. 1864, o ang panukalang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act, na naghihintay na lamang ng pag-apruba ng Pangulo upang maging batas.
“Hindi na biro ang hirap na dinaranas ng ating mga kababayan. Sunod-sunod na bagyo, baha, at walang katiyakan sa kinabukasan. Hindi natin hahayaang maging dagdag-pasanin pa ang student loans sa gitna ng ganitong kalamidad,” sabi ni Go.
Ang iminungkahing batas ay nangangakong magkakaloob ng kagyat na tulong-pinansyal sa pamamagitan ng pagsuspinde sa mga pagbabayad ng pautang sa mag-aaral sa panahon at pagkatapos ng mga kalamidad. Layon nito na ang mga mag-aaral at pamilya ay makahinga nang maluwag sa kanilang muling pagbangon sa buhay.
“Ang tanong marahil ng maraming kabataang mag-aaral: Dapang-dapa kami sa delubyo, paano na ang student loan ko?” ani Go.
“Kaya natin isinulong ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies bill para mabigyan naman ng palugit ang mga estudyanteng may pagkakautang pero hindi makabayad dahil tinamaan ng kalamidad at iba pang sakuna,” dagdag niya
Sa pananalasa ng Bagyong Pepito, ang ikaanim na bagyo na pumasok sa bansa sa loob lamang ng isang buwan, mahigit 160 buhay ang nawala, libu-libong pamilya ang nawalan ng tirahan, at buong komunidad ang nalunod sa bilyun-bilyong pisong halaga ng pagkasira.
“Ang mga estudyante at pamilya nila, lubog ngayon sa hirap habang bumabangon sa baha. Hindi natin puwedeng hayaan na pati edukasyon nila ay malunod dahil sa hirap at pagkakautang,” idiniin ni Go.
Binigyang-diin ni Go ang katotohanang maraming mag-aaral ang kumukuha o pumapasok sa pautang upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Nagpapakita ito ng kanilang pagnanais na makatapos at makamit ang de-kalidad na edukasyon.
Ang determinasyong ito, aniya, ay dapat kilalanin at suportahan para makamit nila ang kanilang mga pangarap.
Kapag nalagdaan bilang batas, maipagpapaliban ng Senate Bill No. 1864 ang pagbabayad sa utang ng mga estudyanteng naninirahan sa mga lugar na idineklara sa ilalim ng State of Calamity o Emergency.
Mag-a-apply ito sa mga pautang sa Higher Education at Technical-Vocational Education and Training (TVET) program, na nagbibigay sa mga mag-aaral ng higit na kaluwagan upang makapagpokus sa kanilang pag-aaral.
Ang panukala ay bahagi ng mas malawak na pagnanais ni Go na protektahan ang karapatan ng bawat Pilipino sa de-kalidad na edukasyon, na pinaniniwalaan niyang pundasyon ng national recovery. RNT