MANILA, Philippines – Isang panukala na naglalayong maging mabilis ang proseso ng pagkansela ng mga pekeng birth certificate na nakuha ng mga dayuhan pangunahin na ang mga sangkot sa ilegal drugs at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang inihain sa Kamara ng Quad Committee.
Ang House Bill (HB) 11117 o Fraudulent Birth Certificate Cancellation Law ay ang ikatlong panukalang batas na inihain ng QuadComm bilang resulta ng kanilang isinasagawang investigation in aid of legislation sa kaso ng EJK at war on drugs sa ilalim ng Duterte administration.
Pinangunahan nina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr.; Deputy Speaker David Suarez; mga chairman ng Quad Committee na sina Robert Ace Barbers, Bienvenido Abante Jr., Dan Fernandez, at Joseph Stephen Paduano; at vice chairman ng Quad Committee na si Romeo Acop ang paghahain ng panukala.
Ang panukala ay inihain matapos mabunyag na libu-libong dayuhan ang nakakuha ng mga birth certificate sa Pilipinas sa pamamagitan ng pamemeke ng mga dokumento.
Sa Davao del Sur lamang, mahigit 1,200 fake birth certificate ang inilabas ng local civil registrar hanggang Hulyo 2024.
Naniniwala ang mga mambabatas na maaring may sabwatan ang mga ito sa opisyal ng gobyerno.
Kahit na may sapat na ebidensya ng pandaraya, binanggit ng mga mambabatas na ang kasalukuyang pamamaraan ay nangangailangan ng kautusan mula sa korte upang mapawalang-bisa ang birth certificate, isang proseso na maaaring magtagal ng ilang taon.
Kaya naman sa bagong panukala ay pabibilisin ang proseso sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang Special Committee on Cancellation of Fraudulent Birth Certificates na pamumunuan ng Registrar General ng Philippine Statistics Authority (PSA) at kasapi bilang miyembro ang Department of Foreign Affairs, Department of the Interior and Local Government, Department of Justice, at Office of the Solicitor General (OSG).
Kabilang sa mandato ng komite na magsagawa ng imbestigasyon sa mga reklamo, maglabas ng subpoena para sa mga ebidensya, at magbigay ng desisyon ukol sa mga fake birth certificate sa loob ng 30 araw mula sa pagtanggap ng mga ebidensya.
Ang reklamo ay maaring isampa ng sinumang legal-age citizen o ng law enforcement agency at kailangang magbigay ng detalyadong impormasyon at ebidensya tulad ng pangalan ng dayuhan, detalye ng pekeng birth certificate, at kung paano ito nakuha.
Bibigyan ng 15 araw ang foreign national upang sagutin ang reklamo, pagkatapos nito ay magsasagawa ng pagdinig ang komite at magbibigay ng desisyon batay sa ebidensya.
Ang mga desisyon ay agad na ipatutupad, bagama’t maaaring i-apela sa Office of the President, at resolbahin ang apela sa loob ng 30 araw.
Layunin din ng panukalang batas na magpataw ng parusa sa mga opisyal ng gobyerno at mga pribadong indibidwal na nagsabwatan para makakuha ng pekeng dokumento.
“It is time to put an end to these unlawful activities. Being a Filipino citizen should not be so easily acquired or given away by unscrupulous and selfish individuals who only wish to attain Filipino citizenship to fuel their self-interests. Being a Filipino is something that we should always honor and zealously protect.” nakasaad sa panukala.
Dalawang panukalang batas ang nauna na din naihan ng QuadComm kabilang dito ang HB 11043, o ang panukalang “Civil Forfeiture Act,” na naglalayong pahintulutan ang gobyerno na bawiin ang mga ari-arian na ilegal na nakuha ng mga foreign national lalo ang may kaugnayan sa POGO.
Ang HB 10987, o “Anti-Offshore Gaming Operations Act,” na naglalayong gawing institusyonal ang pagbabawal sa POGO. Gail Mendoza