Home NATIONWIDE Subic incident na kinasangkutan ng mga dayuhan, iimbestigahan

Subic incident na kinasangkutan ng mga dayuhan, iimbestigahan

104
0

MANILA, Philippines – INANUNSIYO ng Bureau of Immigration (BI) ang pagsisimula ng isang “motu proprio” na imbestigasyon kaugnay ng napaulat na pagkakasangkot ng ilang dayuhan sa umano’y tangkang iligal na pagpasok at pagkuha ng kontrol sa isang pribadong resort sa Subic Bay Freeport noong Abril 8.

Ayon sa BI, iniutos ni Commissioner Joel Anthony Viado ang agarang beripikasyon sa pagkakakilanlan, immigration status, at mga aktibidad ng mga indibidwal na sangkot sa insidente. Kabilang sa iniimbestigahan ang isang Amerikanong si Timothy Desmond, na umano’y bahagi ng grupong nagtangkang pumasok sa naturang pasilidad nang walang kaukulang pahintulot.

Iginiit ni Viado na hindi papayagan ng ahensya ang sinumang dayuhan na abusuhin ang kanilang pananatili sa bansa upang makialam sa mga lokal na usapin o magdulot ng kaguluhan sa kaayusang pampubliko.

Kaugnay nito, inatasan din ng BI chief ang mga kaukulang yunit ng ahensya na makipag-ugnayan sa National Police Commission, Philippine National Police, at Subic Bay Metropolitan Authority upang matukoy ang buong detalye at mga pangyayari sa nasabing insidente.

Iniutos din ang masusing pagsusuri sa visa status at travel history ng mga sangkot, kabilang ang pag-evaluate kung may sapat na basehan upang maisama sila sa immigration watchlist o blacklist. Posible ring simulan ang deportation proceedings kung mapatutunayang may paglabag sa mga batas ng imigrasyon ng Pilipinas.

Binigyang-diin ng BI na mahigpit na ipinagbabawal sa mga dayuhan ang pagsasagawa ng mga aktibidad na lampas sa saklaw ng kanilang pinahihintulutang pananatili sa bansa, gaya ng pakikialam sa mga lokal na sigalot o pagtatangkang kontrolin ang mga pribadong entidad nang walang legal na awtoridad.

Dagdag pa ni Viado, ang sinumang dayuhan na mapatutunayang umabuso sa kanilang pribilehiyo na manatili sa bansa ay haharap sa kaukulang parusa, kabilang ang deportasyon at paglalagay sa blacklist.

Tiniyak naman ng Bureau of Immigration sa publiko na kikilos ito nang mabilis at matatag upang ipatupad ang batas at mapangalagaan ang pambansang interes. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here