MANILA, Philippines- Hindi muna pinalusot ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang subpoena na ipadadala sana ni Senador Imee Marcos laban sa dalawang opisyal ng military at Department of Justice hinggil sa iniimbestigahang isyu sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Escvudero na kanyang nilagdaan ang subpoena na hiniling ng Senate committee on foreign relations sa pamumuno ni Senador Imee laban kina Lt. Gen. Arthur Cordura mula sa PAF at Prosecutor General Richard Anthony Fadullon mula sa National Prosecution Service.
“Imbes sa OSAA (Office of Senate Sergeant-at-Arms namin pinadala o pinadala ng Secretary General, pinadala ‘yung aking subpoena sa legal ng Senado para pag-aralan ‘yung epekto nung pag invoke ng executive privilege kaugnay sa mga subpoena [na] napirmahan ko,” ayon kay Escuero.
Sinabi ni Escudero na may dalawa nang desisyon ang Korte Suprema na pinagtitibay ang kapangyarihan ng Executive Department sa paggamit ng executive privilege, hindi lamang sa pagtugon sa ilang katanungan kundi maging kanilang presensiya sa anumang imbestigasyon ng Kongreso.
“Ang huling gusto kong mangyari sa gitna at sa kabila ng napakarami nang kaguluhan sa ating bansa ay dagdagan pa ito sa pamamagitan ng isang constitutional crisis kaugnay ng subpoena sa kabilang banda at invocation ng executive privilege sa isang banda,” ayon kay Escudero.
Nagsagawa ang naturang komite ng imbestigasyon ngunit walang dumalo sa sinumang opisyal ng Gabinete o militar alinsunod sa ipinahatid na liham ng Executive Secretary Lucas Bersamin kay Senator Marcos.
Naunang sinasabi ni Senador Imee na ilegal ang pagdakip kay Duterte na diretsong dinala sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague dahil nilabag ng administrasyon ang karapatan ng dating pangulo.
Ngunit, mahigpit na ibinabandila ng administrasyon at oposisyon na legal ang pagdakip kay Duterte alinsunod sa itinakda ng batas partikular ang Section 17 of Republic Act 9851 or the Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law na nagsasabiong: ”In the interest of justice, the relevant Philippine authorities may dispense with the investigation or prosecution of a crime punishable under this Act if another court or international tribunal is already conducting the investigation or undertaking the prosecution of such crime. Instead, the authorities may surrender or extradite suspected or accused persons in the Philippines to the appropriate international court, if any, or to another State pursuant to the applicable extradition laws and treaties.” Ernie Reyes