Home NATIONWIDE Sugar importation nais palimitahan ng DA chief sa 200K MT sa 2024

Sugar importation nais palimitahan ng DA chief sa 200K MT sa 2024

MANILA, Philippines – Plano ng Department of Agriculture na limitahan ang pag-aangkat ng asukal sa 200,000 metriko tonelada sa susunod na taon, sinabi ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Martes, Disyembre 5.

Ito ang sinabi ni Laurel nang tanungin sa pagdinig ng Commission on Appointments kaugnay sa ulat na nakatakdang mag-angkat ang Pilipinas ng nasa 500,000 MT sa 2024.

“Based on estimates namin with SRA (Sugar Regulatory Administration), which we’ve been meeting for the last two weeks, we feel that next year we don’t need to import too much sugar dahil this year, medyo naparami nang kaunti ‘yung importation ng sugar at marami pang stocks ngayon sa market,” ani Laurel sa CA committee on agriculture.

“Ang assessment ng industry and ng DA with SRA, maybe, conservatively, baka kailangan mag-import mga 200,000 lang assuming there are no adverse weather conditions that we face,” dagdag pa niya.

Sa kabila nito, sinabihan ni 1-Sagip party-list Representative Rodante Marcoleta si Laurel “to temper [his] expectations” ng kaunti, dahil lima lamang sa 27 sugar mills ang nagagamit.

Hinimok niya ang DA secretary para i-audit ang efficiency ng mga sugar mill na ito at mapababa ang importasyon sa hinaharap.

Nangako naman si Laurel na magsasagawa ito ng audit.

Bago pa ang pagkakatalaga kay Laurel bilang Kalihim ng DA, pinutakte ng kontrobersiya na may kinalaman sa pag-aangkat ng asukal ang ahensya.

Ngayong Martes, Disyembre 5, ay humarap si Laurel sa CA para sa kumpirmasyon ng kanyang pagkakatalaga bilang DA chief.

Itinalaga siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Nobyembre. RNT/JGC