Home NATIONWIDE Bong Go sa pagtaas ng kaso ng flu: Magsuot ng facemask

Bong Go sa pagtaas ng kaso ng flu: Magsuot ng facemask

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa publiko na maging mapagbantay at sumunod sa mga protocol sa kalusugan, kabilang ang boluntaryong paggamit ng face mask hangga’t maaari.

Ginawa ni Go ang panawagan sa pagdalo niya sa groundbreaking ng Super Health Center sa Malabon City dahil sa pagkabahala sa tumataas na flu-like cases sa China at sa implikasyon nito sa bansa.

“Huwag tayong maging kumpiyansa… Kung hindi naman po sagabal sa parte ninyo, magsuot pa rin tayo ng face mask,” sabi ni Go.

Hinikayat niya ang boluntaryong pagsusuot ng facemasks lalo’t nagawa na rin naman natin ito sa loob ng higit dalawang taon sa panahon ng pandemya.

Sa kasalukuyan ay hindi pa ipinapayo ng Department of Health (DOH) ang pagpapatupad ng border controls bilang tugon sa pagtaas ng respiratory illnesses sa China. Ang pagtaas ng mga kaso sa Beijing, pangunahin sa mga bata, ay kapansin-pansin mula noong kalagitnaan ng Oktubre. Bukod pa rito, noong Nobyembre ay may mga ulat nang hindi natukoy na pneumonia sa ilang ospital sa China.

Samantala, binigyang-diin din ni Go na nagsisikap ang gobyerno na magbigay ng accessible na healthcare, partikular sa maagang pagtuklas ng sakit.

“Nandiyan naman po ang mga Malasakit Centers, mga DOH hospitals, mga government hospitals, even private hospitals. Nandiyan din po ang inyong Super Health Center. Kaya nga po may Super Health Center para diyan na po gagawin ang mga early disease detection,” aniya.

Nanawagan din siya sa DOH na mahigpit na i-monitor ang pagtaas ng kaso ng flu at ng sitwasyon sa ibang bansa.

“Huwag nating hayaan na magkaproblema po muli tayo, bumalik tayo sa pagsasara ng ating ekonomiya. ‘Wag naman po sana,” anang senador.

Nang tanungin kung dapat ipatupad ang mandatoryong pagsusuot uli ng facemasks, sinabi ni Go na “Sa ngayon hindi pa naman po siguro. My personal assessment hindi pa naman, pero ingat pa rin. Kaya nga po ineengganyo ko kayo, bagaman hindi po mandatory ay suot pa rin kayo ng face mask. Natutuwa ako may mga kababayan tayo na nagsusuot pa rin ng face mask. Nandiyan pa rin ang banta ng mga virus kaya huwag tayong maging kumpiyansa.”

Noong Martes, inihayag ng DOH na itinaas nito ang alerto laban sa mga bagong pathogens sa gitna ng pagtaas ng mga sakit na tulad ng trangkaso sa buong Pilipinas.

Ibinunyag ni Health Undersecretary Eric Tayag na ang bansa ay nakapagtala ng humigit-kumulang 190,000 kaso ng naturang mga sakit ngayong taon.

Sinabi ng DOH na ang mga kasong ito ay nagsimulang mag-stabilize, gaya ng ipinahiwatig ng pinakabagong data mula sa patuloy na pagmo-monitor. RNT

Previous articleSugar importation nais palimitahan ng DA chief sa 200K MT sa 2024
Next article12 nasaktan sa M-7.4 na lindol sa Surigao – NDRRMC