MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na malaki ang ibinaba ng antas ng sulfur dioxide na ibinubuga ng bulkang Taal sa Batangas, ngunit patuloy na nagpapakita ang bulkan ng mataas na antas ng aktibidad na seismiko.
Ayon sa Phivolcs naitala nito ang 107 metric tons (MT) ng sulfur dioxide mula sa pangunahing crater ng Taal sa nakalipas na 24 na oras, na itinuring nitong “mahina” na antas ng pagbuga.
Sinabi pa ng Phivolcs na ang bilang na ito ay mas mababa nang malaki kumpara sa pang-araw-araw na average na 422 MT na naitala mula Agosto 5 hanggang 14.
Samantala, nakapagtala naman ang Phivolcs ng 67 volcanic earthquake, na bahagyang mas mababa kaysa sa 74 na naitala noong nakaraang araw.
Ang aktibidad na seismiko ay sinabayan ng isang insidente ng volcanic tremor na tumagal nang 10 minuto.
Ang mga pinakabagong bilang ay nananatiling mas mababa sa pinakamataas na naitalang seismic activity ng Taal nitong mga nakaraang buwan.
Magugunitang noong Hulyo 6, nakapagtala ang Phivolcs ng 120 lindol na bulkan at 113 na pagyanig ng bulkan.
Kaugnay nito ang mga naranasang lindol na bulkan ay mga seismic event na nauugnay sa mga aktibong bulkan at nakikilala sa pamamagitan ng kanilang mga katangiang pattern ng pagdating, tagal at amplitude.
Walang naobserbahang pagtaas ng mainit na likido sa Main Crater Lake ng Taal sa Taal Volcano Island, na lokal na kilala bilang “Pulo,” sa gitna ng Taal Lake.
Nananatili ang bulkang Taal sa ilalim ng Alert Level 1, na nagpapahiwatig ng mababang antas ng kaguluhan. Santi Celario