Home NATIONWIDE ‘Sumbong sa Pangulo’ website, walang deadline; pagre-report, ‘wag gawing laro -Malakanyang

‘Sumbong sa Pangulo’ website, walang deadline; pagre-report, ‘wag gawing laro -Malakanyang

259
0

MANILA, Philippines – Walang deadline ang gagawing pagsusumbong ng publiko sa gobyerno gamit ang website na www.sumbongsapangulo.ph (http://www.sumbongsapangulo.ph/) hinggil sa mga flood control projects na sa tingin ng mga ito ay maanomalya.

Ang website ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang nagtatala ng lahat ng flood control projects.

Sa tulong din ng website, maisusumbong ng taumbayan kung alin sa mga flood control projects ang palpak, hindi tinapos at iyong pawang kathang-isip lamang.

Ani Castro, hangga’t si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay Pangulo ng bansa ay welcome ang pagsusumbong ng publiko ukol sa mga proyektong hindi natapos, mayroong pagkakamali at mga ghost projects.

At upang mapanatiling protektado ang mga ito mula sa mga taong nasa likod ng kanilang isusumbong na proyekto ng DPWH ay sinabi ni Castro na hindi kinakailangang ilagay ang tunay na  pangalan.

“Huwag lamang po ninyong sanang gawing laro nag pagre-report, siguraduhin lamang po ninyo na iyong ire-report ninyo ay may basehan para po hindi naman masayang ang oras ng gobyerno na para saliksikin pa po ang inyong ini-report, iyon pala ay niloko lamang po ninyo,” ang pakiusap ni Castro.

“So, sana po maging ano po, iyong verified at mayroon po talaga kayong alam patungkol sa mga projects na maanomalya at hindi po kinakailangang ilagay ang inyong pangalan kung kayo po ay natatakot sa pagre-report na ito,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, tiniyak naman ni Castro na gaya ng ipinahayag ni Pangulong Marcos ay uusigin ng administrasyon ang sinumang nasa likod ng maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.

Katuparan aniya sa naging pronouncements ng Pangulo sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address o SONA ay ang sisiguraduhing matutupad ito kahit pa man matamaan ang mga kontratista o sinumang malapit sa kaniyang puso kung sakaling mapapatunayan na may kinalaman sila sa maanomalyang proyekto.

Batay aniya sa inisyal na impormasyon mula sa report ng DPWH, lumalabas na mayroong 9,855 flood control projects mula July 2022 hanggang May 2025 na nagkakahalaga ng 545.64 billion pesos.

Sa nasabing bilang, 6,021 dito ay may project cost na mahigit 350 billion pesos na walang specific na sinasabi kung anong klase ng flood control structures ang ipinatayo, inayos o ni-rehabilitate.

Napansin din aniya ng Pangulo ang hindi pagkakatugma sa top ten provinces na may pinakamaraming flood control projects kahit ang iilan sa mga ito ay wala sa listahan ng top ten flood-prone provinces sa bansa tulad ng Cebu na may 414 projects, Isabela na may 341, Albay na may 273, Leyte na may 262 at Camarines Sur na may 252. Napansin din ni Pangulong Marcos Jr. na 20% sa total na 545 billion pesos budget ay nai-award sa 15 contractors lamang at lima sa mga ito ang may projects na halos lahat sa rehiyon ng bansa. /Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here