Home NATIONWIDE Malakanyang, hinikayat na direktang magsumbong kay PBBM sa 67 kongresista na gumagamit...

Malakanyang, hinikayat na direktang magsumbong kay PBBM sa 67 kongresista na gumagamit ng pekeng kontratista

288
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ng Malakanyang sina Senador Panfilo Lacson at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na direktang magsumbong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hinggil sa kanilang nalalaman ukol sa may 67 kongresista ang sangkot sa paggamit ng mga pekeng contractor bilang front sa mga proyekto.

“I-diretso na nila ito sa Pangulo  kung mayroon silang partikular na pangalan na alam at para po mas mabilis ang pag-iimbestiga, welcome po lahat iyan at bigyan lang po nila ng kumpletong detalye,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

“Sabi nga po ng Pangulo, ayaw naman po nila tayo, ng Palasyo, ayaw naman po nating magkaroon ng witch hunting na kahit wala pa pong ebidensiya,  eh parang nalaman mo lang, ayon may anomalya, pero walang ebidensya, mahirap naman po,  kasi baka iyong ibang inosente ay madamay,” ang dagdag na pahayag ni Castro.

Sa ulat, may 67 miyembro ng Kamara de Representantes ang diumano’y naging contractor ng kanilang government-funded infrastructure projects noong 2022, ayon kay Senador Panfilo Lacson.

Sa isang panayam, binanggit ni Lacson ang naging usapan nila ng kapwa niya mambabatas sa simula ng 19th Congress, kung saan ibinunyag sa kanya na 67 kongresista ang may construction business at nangongontrata sa mga proyektong kanilang pinondohan.

“Noong 2022, pagsimula ng new Congress noon, natanong ko ang isang kaibigan kong congressman kasi curious ako bagong bukas ang Kongreso. Ilan ba kako sa bilang mo ilan ang contractor diyan sa Batasan? Sabi niya huling bilang ko sa ngayon, 67. Pero alam ko meron pang iba,” wika ni Lacson.

“So noon 67 na, as of 3 years ago. Siguro ngayon, ang iba naengganyo, mag-contractor na lang tayo. O kaya kamag-anak ang mag-handle ng kompanya ng kanyang construction company para makamenos sila,” dagdag niya.

Isiniwalat ito ni Lacson bilang bahagi ng kanyang panawagan na magkaroon ng audit o pagbusisi sa bilyong pisong pondo sa flood control partikular ang mga isiningit sa bicameral conference deliberation ng 2025 national budget.

Ani Lacson, ang mga flood control project ang isa pangunahing source ng korapsyon, lalo na ang dredging o paghuhukay, kung saan ang kickback ay umaabot sa 50% ng halaga ng proyekto.

“May nakuwento sa akin, noong araw pa, sinasabi may 50 projects sabay-sabay, P50 milyon sa isang lugar. Kung susumahin mo P2.5 bilyon kaagad ‘yan. Pero napansin ng taga-roon na isang backhoe lang palipat-lipat, doon kunwari magbubungkal. Tapos lipat sunod,” ani Lacson.

“Isipin mo 50 projects, isang backhoe ginagamit. Masuwerte kung gumastos ng P500 milyon ‘yan. E P2.5 bilyon, e ‘di P2 bilyon agad ang nakulimbat,” dagdag pa niya. /Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here