MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Education (DepEd) na mandatoryo na ngayon sa mga estudyante na may pinakamababang reading comprehension levels ang summer remedial classes.
Ang mga estudyante kasi na may reading comprehension levels ay ipinapasa na lamang kahit hindi pa nito natutugunan ang kinakailangang kagalingan o kakayahan sa pag-aaral.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ginagamit na ngayon ng departamento ang Beginning of School Year (BOSY) at End of School Year (EOSY) assessments para tukuyin ang ‘learning gaps.’
Iyong mga may pinakamababang iskor ay kinakailangang makiisa sa isang ‘remediation program’ pagdating ng summer.
“Basta ikaw ay nasa below level, yung lowest level of reading comprehension, required ka mag-summer review,” ang sinabi ng Kalihim.
Aniya pa, maraming bata ang nakinabang sa ganitong approach.
“Very supportive ang ating mga alkalde, ang ating mga local governments. Kaya natutugunan yung literacy problems at na iangat yung learning ng isang bata,” dagdag ni Angara.
Binigyang-diin nito na ang mga estudyante ay ‘responsive’ o tumutugon sa summer program, na karaniwang isinasagawa sa maliit na grupo.
“Actually nakita namin, very responsive ang mga bata… Merong mga paaralan, dalawa o tatlo lang yung papasok sa summer program. So talagang tutok yung mga teacher sa kanila,” ani Angara.
Tinugunan din ni Angara ang alalahanin ng mga magulang na ayaw pasalihin ang kanilang anak sa programa: “Eh, required po ito eh. Kasi dati voluntary… Pero yung mga naiiwan, parang hindi sila nag-re-volunteer,” paliwanag nito.
Sa kabilang dako, isa sa pangunahing usapin na tinukoy ng DepEd ay ang mga guro na may tungkulin din na mag-tutor sa mga estudyante sa panahon ng school year, minsan ay ipinapasa na lamang ang estudyante upang maiwasan ang ‘extra work.’
“Pinag-aralan namin yung kabuuan… pinapasa na lang ni teacher para hindi na siya mabigyan ng extra na trabaho,” ang pahayag ni Angara.
Upang matugunan ito, muling nagtalaga ang DepEd ng hahawak sa summer programs.
“Meron mag-monitor, pero hindi yung teacher na nagturo sa mga bata na yun… Meron tayong mga teachers na nakafocus talaga sa summer remediation,” wika nito.
Ang mga guro na hahawak ng summer classes ay makatatanggap ng karagdagang kredito.
“Bibigyan ng extra credits ito. At hindi yung regular teacher ang magbibigay ng assistance dito sa mga bata na kailangan ng summer remediation,” ang pahayag ni Angara. Kris Jose